Ang Maikling Kwento Tungkol sa mga Munting Hiling ni Kiko sa Pasko
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol sa mga munting hiling ng batang si Kiko sa Pasko.
Ang Mga Munting Hiling Ni Kiko Sa Pasko
Mahirap ang pamilya ng batang si Kiko. Isang barker sa sakayan ng dyip ang ama niyang si Pablo habang labandera naman ang ina niya si Thelma. Panganay na anak ng mag-asawa si Kiko, ang bunso ay si Rico.
Dahil sa hirap ng buhay, kadalasan ay pumupunta ng paaralan ang magkapatid na walang laman ang tiyan at bulsa. Subalit, sa kabila ng hirap ng kanilang pamumuhay, parehong pursigido sa pag-aaral sina Kiko at Rico.
“Paglaki ko, magiging doktor ako. Ako na ang gagamot kina Tatay at Nanay,” laging sinasabi ni Kiko sa klase.
Isang araw, may isang grupo ng mga negosyante ang pumunta sa paaralan nina Kiko at Rico. Nais nilang ipatupad ang adbokasiya nilang #PaskoMoSagotKo. Namili sila ng sampung bata na dadalhin nila sa mall at ipagbibili ng mga gusto nito.
Isa si Kiko sa mga napili ng mga negosyante. Dinala sila sa pinakamagarang shopping mall sa bayan. Pagdating doon, lahat ng mga kasama ni Kiko ay pumunta kung saan nandoon ang mga laruan.
Bawat isa sa kanila ay masayang namili ng laruan maliban kay Kiko. Napansin ni Mr. Cruz na mukhang malungkot si Kiko. Tinanong niya ang bata na agad namang sumagot kahit kitang-kita na nahihiya ito.
“Gusto ko po sana ibili si Tatay ng bagong tsinelas at ibili ng damit si Nanay,” sagot ni Kiko sa isa sa mga negosyante.
BASAHIN RIN: 5 Halimbawa Ng Maikling Kwento Na May Aral
Sinamahan at tinulungan ni Mr. Cruz si Kiko na mamili ng mga sapatos at mga damit para sa mga magulang niya. Pagkatapos noon, tinanong ulit siya ng negosyante.
“E, ikaw? Anong gusto mo para sa sarili mo? Bilhin natin. Bili tayo ng mga laruan,” yaya ni Mr. Cruz kay Kiko.
Pumunta sila sa hanay ng mga laruan at agad namang nakapagpili ang bata ng isang robot. Tinanong siya ng negosyante bakit isa lang ang kinuha niya.
“O, bakit isa lang yan? Ang daming laruan pili ka pa. May kapatid ka? Pumili ka rin ng para sa kanya,” sabi ng negosyante.
“Opo, may kapatid pa po ako si Rico po. Para sa kanya po ito. Okay na po ito ang mahalaga po makita kong masaya sina Tatay, Nanay, at Rico po mamaya. Sabik na po akong makita ang reaksyon nila,” sabi ng bata.
Napaluha si Mr. Cruz sa narinig niya mula kay Kiko. ‘Di niya inakala na sa murang edad nito ay tanging ang kasiyahan ng pamilya niya ang nasa isip niya. Hindi niya napilit si Kiko na kumuha pa ng mga nais nitong bilhin kung kaya’t nagbayad na siya.
Pag-uwi nila, patagong nilagyan ni Mr. Cruz ng pera ang plastic na nilagyan ng mga damit, sapatos, at laruan na ipinamili nila. Nais niyang mas maging maligaya si Kiko at ang pamilya niya sa darating na Pasko.
Hangang-hanga ang negosyante sa pagiging maaalalahanin at mapagmahal ni Kiko sa pamilya niya.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Maging mapagmahal sa mga magulang at kapatid
- Iba ang saya sa tuwing makikita mong masaya ang mga mahal mo sa buhay
- Maging mapagbigay kahit sa mga hindi mo kilala
- Isipin kung ano talaga ang mahalaga sa iyo
BASAHIN RIN: Maikling Kwento: Ang Mahiwagang Singsing ni Reyna Marikit