Ang Maikling Kwento Tungkol sa Huling Araw ni Mang Tomas
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol sa huling araw ni Mang Tomas.
“Ang Huling Araw Ni Mang Tomas”
Sampung taon nang drayber ng dyip si Mang Tomas. Ang pamamasada ang kanyang kabuhayan at pinagkukunan ng pantaguyod sa tatlo niyang anak na sina Linda, Tony, at Jose.
Naglalabada naman ang asawa ni Mang Tomas na si Aling Lilia. Kadalasan ay wala ito sa bahay nila at naghahanap rin ng pera. Si Linda, ang kanilang panganay, ang palaging naiiwan nagbabantay ng mga kapatid niya.
Parehos abala sina Mang Tomas at Aling Lilia sa paghahanap-buhay. Ni hindi nga sila nagsisimba kasama ng kanilang mga anak o di kaya’y kumain ng magkasama kahit sa bahay lang nila.
Kadalasan, pag-uwi ni Aling Lilia ay matutulog siya saglit habang nagluluto ng hapunan si Linda. Habang kumakain naman ang mga bata, siya ay naglalaba.
Pagdating ni Mang Tomas sa bahay nila ay sakto namang tulog na ang mga bata at tapos ng maghapunan ang asawa niya.
Ganito ang buhay ng Pamilya Santos sa loob ng anim na taon. Sa mga araw na maagang natatapos sa pamamasada si Mang Tomas, umiinom sila ng mga kapwa niya drayber.
“Ate bakit hindi tayo nagsisimbang kasama sina Tatay at Nanay?” tanong ni Jose sa ate niyang si Linda.
“Abala sa trabaho sina Tatay at Nanay, Jose. Hayaan mo na,” sagot ng nakatatandang kapatid.
Isang araw, bigla na lamang bumagsak si Mang Tomas noong pasakay siya ng dyip niya. Wala siyang malay at si Tony ang nakakita sa kanya. Agad siyang dinala sa ospital.
“Kailangan nating ma operahan ang mister niyo misis, kung hindi, e, hindi natin alam baka mamaya, bukas, sa susunod na araw ay hindi na kayanin ng ugat sa utak niya,” sabi ng doktor kay Aling Lilia.
May nakitang ugat na nagbabadyang pumutok sa utak ni Mang Tomas. Subalit hindi sapat ang kanilang kinikita upang makapag-ipon para sa operasyon. Kulang rin ang ibibigay ng pamahalaan nila kung saka-sakali.
“Huwag ka ng mag-alala Lilia. Okay lang ako, magiging okay ako,” sabi ng nakapikit na si Mang Tomas sa asawa niya.
Nakalabas sila ng ospital at nagpasya na bumalik na sa mga nakagawian nila araw-araw. Subalit, hindi na ito ang nangyari. Kadalasan ay bigla na lang bumabagsak si Mang Tomas at nawawalan ng malay.
Alalang-alala sina Aling Lilia at ang tatlong nilang anak sa padre de pamilya nila. Ngunit, wala rin silang magagawa. Nagpatuloy sa paglalabada si Aling Lilia araw-araw para matustusan ang araw-araw nilang gastusin.
Habang lumilipas ang mga araw, mas lalong hindi masasabi ang kondisyon ni Mang Tomas. Noong napansin niyang mukhang hindi talaga siya tatagal, doon siya nagpasya na ibahin na yung nakagawian niya araw-araw.
Pagdating ng linggo, maaga siyang gumising at ginising rin niya yung asawa at mga anak niya.
“Lilia, mga anak, gising na kayo. Magsimba tayong magkakasama,” sabi niya habang kinikiliti ang mga paa ng mga anak niya. Masayang-masaya ang ama ng tatlong bata.
Pagkagaling nila sa simbahan, nagluto agad siya ng agahan nila at sabay-sabay silang kumain.
“Tatapusin ko lang ‘to, mauna na kayong kumain at baka gutom na kayo,” sabi ni Aling Lilia habang binabanlawan ang mga labada niya.
“Halika ka na rito, mamaya na iyan. Kumain tayo ng sabay,” hiling ni Mang Tomas sa asawa na agad namang pinagbigyan.
BASAHIN RIN: Si Tikboy At Ang Dalawang Duwende
Simula noon, tinuring ni Mang Tomas ang bawat araw na ipinagkaloob sa kanya na huling araw na niya kung kaya’t bawat segundo ay mahalaga sa kanya. Ibinuhos niya ito sa asawa at sa mga anak niya.
Iniba ng kondisyon ni Mang Tomas ang mga nakagawian nila sa buhay ngunit hindi pa rin niya maiiwasang manghinayang sa mga nasayang na oras. Malalaki na ang mga anak bago pa niya lubusang naibahagi ang sarili niya sa kanya.
“Patawad mga anak. Hindi ko kayo nabigyan ng oras noon. Sana mas lalo kong nasubaybayan ang paglaki niyo.
Kaya lang, medyo huli na at bilang na lang ang mga huling araw ko. Sana, pati kayo ay matuto sa nararanasan natin. Pahalagahan natin ang bawat oras na mayroon tayo at ibahagi natin ang sarili natin sa mga taong mahal natin,” hiling ng amang nakaratay na sa higaan.
Pumanaw si Mang Tomas ngunit, kahit ganun yung nangyari, nawala siyang may sayang nararamdaman. Kahit papanu ay nabigyan siya ng pagkakataong mamulat at baguhin kahit sa huling sandali ang mga dapat niyang baguhin.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Pahalagahan at sulitin ang bawat oras na ipinagkaloob sa atin
- Huwag alisin ang Diyos sa mga buhay natin gaano man karami ang mga dapat nating gawin o gampanan
- Maglaan ng oras para sa pamilya at gumawa ng mga masasayang alaala kasama ang mga mahal sa buhay
Iba pang mga maikling kwento: