Ang Maikling Kwento Tungkol sa Agila at Itim na Sisiw ni Jose
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol sa agila at sa itim na sisiw ng batang si Jose.
“Ang Agila at ang Itim na Sisiw ni Jose”
Lumaki sa bukid ang batang si Jose. Anak siya ng magsasaka na si Mang Tino at isang maybahay na si Aling Carmen. Bukod sa pagsasaka ng ama niya, nabubuhay rin sila sa pag-aalaga ng mga hayop.
May mga manok sina Jose. Katulad ng tatay niya, mahilig rin siya dito kung kaya’t binigyan sya ng ama niya ng isang inahen. Nagkaroon ng limang itlog ang inahin na iyon at naging sisiw.
Sa limang sisiw, isa lang yung kulay itim. Ang itim na sisiw ay siyang palaging pinupulot ni Jose kung saan-saan dahil lumalayo siya sa kanyang mga kapatid. Hindi alam ng bata na inaaway pala ito ng mga kapatid niyang sisiw.
“Pangit! Pangit! Hindi ka namin siguro tunay na kapatid dahil iba ang kulay mo sa amin,” sabi ng pinakamaganda sa magkakapatid na sisiw sa itim na sisiw.
Kung saan pumupunta ang inahin ay sumusunod rin ang apat na sisiw maliban sa itim na sisiw. Nagpapa-iwan na lang siya upang hindi na awayin ng kanyang mga kapatid.
“Ang pangit-pangit ko nga siguro kaya ayaw nila sa akin. Mabuti pa si Jose palagi akong pinupuntahan,” sabi ng itim na sisiw sa sarili niya.
Mahal na mahal ni Jose ang itim na sisiw at hindi maikaka-ila na paborito niya ito. Subalit, hindi niya alam na malungkot ito sa pinanggagawa ng mga kapatid nito.
Isang araw, inubusan nila ng pagkain ang itim na sisiw. Mabuti na lamang at may natira sa pagkain ng isa sa mga tandang nila ni Jose. Doon siya naki-kain habang tulog ang tandang.
“Pangit! Pangit! Kunin ka na sana ng agila!” sigaw ng isang sisiw habang nakiki-kain ang itim na sisiw sa kainan ng tandang.
Nakita siya ni Jose, kinuha, at dinala sa loob ng bahay nila. Nilalaro siya ng bata. Paglabas ni Jose, saktong nakita niyang parating ang agila at kukunin na nito ang mga kapatid ng itim na sisiw.
Sumigaw si Jose at sinubukang takutin ang agila pero wala siyang nagawa. Nakuha ng agila ang apat na kapatid ng itim na sisiw at hindi na ito bumalik kailan pa man.
“Walang pinipili ang agila pagdating sa sisiw na kukunin. Mag-isa man ito o marami sila, talagang kukunin niya pag gusto niya,” paliwang ng tatay ni Jose.
Lumaki ang itim na sisiw at mas lalong naging paborito siya ni Jose. Nagkaroon siya ulit ng mga kapatid dahil umitlog muli ang inahin ni Jose ngunit ligtas na sila sa agila dahil sinigurado ito ng bata na hindi na muling mangyayari yun.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Huwag maging mapanghusga sa itsura ng kapwa
- Maging mabait sa ibang tao o sa mga hayop
- Maging maaalahanin sa kapwa
- May mga pangyayari na hindi natin mapipigilan pero mapaghahandaan
Iba pang mga maikling kwento: