Ang Maikling Kwento Tungkol kay Tikboy at sa Dalawang Duwende
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol sa batang si Tikboy at sa dalawang duwende na kasama nila sa kanilang bahay.
Si Tikboy At Ang Dalawang Duwende
Nabiyayaan ng dalawang anak na lalake ang mag-asawang Tony at Ninfa Cruz. Sila ay sina Charles Cruz na ang palayaw ay si Tikboy at si Tony Cruz Jr. na Junior naman kung tawagin ng kanyang mga magulang at kamag-anak.
Siyam na taong gulang si Tikboy habang si Junior ay pitong-taong gulang. Katamtamang estado ng pamumuhay ang mayroon ang pamilya Cruz.
Isang ahente sa isang kilalang kompanya ang padre de pamilya at mayroon rin silang maliit na tyangge sa tindahan. Si Ninfa ang namamahala sa kanilang maliit na negosyo.
Naging maganda ang takbo ng trabaho ni Tony at umunlad rin ang kanilang negosyo sa tindahan kung kaya’t nakabili sila ng sarili nilang bahay. Subali’t hindi nila alam na may mga nakatira na pala rito bago pa sila lumipat rito.
Sa bago nilang bahay, may sarili nang kwarto sina Tikboy at Junior. Ngunit hindi roon natutulog ang bunso dahil nakakatakot raw. May mga maliliit raw na naglalakad sa sahig nila tuwing gumigising siya kung madaling araw.
Binalewala ito ng mga mag-asawa. Baka raw nasobrahan lang sa panonood ng TV ang bunsong anak nila. Si Tikboy naman walang ibang ginawa kundi maglaro buong araw.
Isang araw, malapit na ang pinal na pagsusulit nila ni Tikboy sa paaralan at pinapa-aral siya ng ina niya. Binilin sa kanya na mag-aral siya sa kwarto niya at dadalhin ng mama niya si Junior upang hindi siya kulitin nito.
Sumang-ayon si Tikboy sa bilin ng mga magulang niya ngunit pag-alis nila, ni-lock niya ang kwarto niya at naglaro maghapon sa loob. Wala siyang ibang ginawa kundi maglaro ng kompyuter at ng mga laruang bigay ng Tito niya.
Alas-sais na ng hapon ng makauwi ang mag-asawa at si Junior sa bahay nila. Noong marining ni Tikboy ang tunog ng sasakyan, dali-dali niyang niligpit ang mga laru-an niya at inilabas ang mga libro niya.
“Ang very good naman ng anak ko, sigurado perfect mo yung test niyo,” sabi ng mama niya noong madatnan siyang nakayuko sa libro at nagbabasa.
Masayang silang naghapunan ngunit walang ka-alam alam sina Tony at Ninfa na hindi talaga nag-aral ang anak nila. Kinabukasan, ganun ulit yung nangyari.
Ngunit bago nakapagsimulang maglaro si Tikboy, napansin niyang nawawala ang mga paborito niyang laruan sa spiderman. Hindi niya ito makita kung kaya’t naglaro na lamang siya ng kompyuter.
BASAHIN RIN: Ang Bahay Na Bigla Na Lang Nawala Isang Gabi
Pag-uwi ng Papa, Mama, at kapatid niya, papuri na naman ang nakuha niya sa mga magulang niya. Naulit nang naulit iyon hanggang sa natapos ang araw ng pagsusulit. Paglabas ng grado, hindi pumasa si Tikboy.
Pag-uwi nila sa bahay, laking gulat ni Tikboy na kakaunti na lang ang laruan sa kwarto niya. Hinanap niya at noong buksan niya yung aparador, laking gulat niya ng may nakita siyang nakaupo rito – dalawang duwende.
“Hindi ka pumasa siguro noh? Laro lang kasi inatupad mo,” sabi ng isang duwende.
“Hindi ka man lang nakinig sa bilin ng papa at mama mo. Dahil diyan, isusumbong ka namin sa kanila,” sabi ng isa pang duwende.
Tumakbo palabas si Tikboy at nagsumbong sa mga magulang niya. Ngunit, hindi siya pinaniwalaan ng mga ito. Bukod sa hindi siya pumasa, nalaman nila mula sa titser ni Tikboy na hindi naman talaga siya nakikinig sa klase.
Sa tingin nina Tony at Ninfa ay umiiwas lang ang anak nila na mapagalitan. Walang magagawa si Tikboy kundi bumalik sa silid niya. Takot na takot siya kung kaya’t nagtago siya sa ilalim ng kumot niya.
“Hoy Tikboy labas ka diyan, laro tayo!” sabi ng isang duwende.
“Laro tayo! ‘Di ba yan lang ang gusto mo, hindi ka nga nag-aral kakalaro!” dagdag ng isa pang duwende.
Noong madaling araw na, nagkaroon ng kakaunting lakas ng loob si Tikboy. Inalis niya yung kumot at tiningnan ang paligid niya. Nakita niyang nakaupo ang dalawang duwende at dilat na dilat na nakatingin sa kanya.
“Huwag kang matakot sa amin. Hindi kami masama. Nais lang namin na gawin mo yung tama, sundin mo yung mga magulang mo,” sabi ng isang duwende na mukhang awang-awa na sa takot na bata.
“Talaga? Iiwan niyo na ako dito pag sinunod ko sina Mommy at Daddy?” tanong ni Tikboy sa dalawang duwende.
“Oo, basta’t mag-aral ka na at huwag magsisinungaling dahil kung hindi, mawawala talaga lahat ng laruan mo ng tuluyan,” sabi ng isa.
“At isusumbong ka namin sa mga kapwa namin para marami tayo rito sa silid mo,” pananakot ng isa pang duwende.
Bumalik si Tikboy sa pagtatalukbong ng kumot at nakatulog siya. Kinabukasan, hindi na niya nakita ang dalawang duwende ngunit hindi niya nakakalimutan ang mga sinabi nito kung kaya’t naging masunuring bata na siya nandiyan man o wala ang mga magulang niya.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Pahalagahan ang utos ng ating mga magulang
- Huwag magsinungaling o manloko ng ibang tao lalong-lalo na ang mga magulang natin
- Gabayan ang mga bata sa kanilang pag-aaral
- Pahalagahan ang pag-aaral
Iba pang mga maikling kwento: