Kwento ng Tipaklong at ng Langgam Bilang Isang Halimbawa ng Pabula
HALIMBAWA NG PABULA – Narito ang kwento tungkol sa isang tipaklong at sa isang langgam noong dumating ang tag-ulan.
Kadalasan, ang mga magulang ay gumagamit ng mga pabula sa pagtuturo ng mga magagandang aral sa mga bata. Ito ay mga kwento kung saan ang mga tauhan ay mga hayop.
Magandang itong pangkuha ng atensyon ng mga bata sapagkat naaaliw sila sa mga kwento kung saan ang mga hayop ang nag-uusap na parang mga tao.
Narito ang isang halimbawa ng pabula – ang kwento ng tipaklong at ng langgam.
Ang Kwento ng Tipaklong at ng Langgam
May magkaibigang tipaklong at langgam sa isang bundok. Palagi silang nag-uusap lalong-lalo na tungkol sa sobrang init ng panahon. Pareho silang sabi sa tag-ulan na malapit nang dumating.
Isang araw, maaga pa lamang ay nagkasalubong na sina tipaklong at langgam. Pawis na pawis si langgam at marami itong mga dalang pagkain. Binigyan pa niya si tipaklong.
“Salamat may makakain na ako pagdating sa puno. Pero teka, para sa ano iyan? Ba’t ang dami mong dalang pagkain,” tanong ng tipaklong.
Sumagot si langgam kahit hinihingal pa ito sa bigat ng mga dala niya. Sinabi niya sa tipaklong na malapit na ang tag-ulan kaya mabuti nang mag-impok ng pagkain dahil baka bumaha at hindi sila makalabas.
Tumawa lamang ang tipaklong. Ayon sa kanya, hindi naman raw magtatagal ang ulan at marami namang pagkain sa paligid. Nagpatuloy sa pag buhat ng mga pagkain si langgam.
Dumating ang tag-ulan. Sa unang araw pa lamang, bagyo na ang dumayo kung kaya’t bumaha. Nag-alala ang langgam kung kaya’t dumungaw ito sa bintana ng bahay niya upang tingnan kung nariyan ba ang tipaklong sa labas.
Nais sana ni langgam na imbitahan sa bahay niya si tipaklong at pakainin o ‘di kaya’y bigyan ito ng makakain subalit nalungkot na lamang siya sa nakita niya.
Nalunod sa baha ang tipaklong at wala na ito. Malungkot man si langgam, wala naman siyang masisisi sa nangyari sa kaibigan dahil sadyang tamad ito.
Mga Aral Mula Sa Kwento:
- Sikaping maging laging handa.
- Huwag tatamad-tamad lalong-lalo na pag may ideya kung ano ang pwedeng dumating.
- Maging mapag-malasakit sa kapwa.
BASAHIN RIN: Maikling Kwento – Si Lucas At Ang Kanyang Pagong