Ang Maikling Kwento Tungkol kay Lucas at ang kanyang Pagong
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Lucas at sa alaga niyang pagong.
“Si Lucas At Ang Kanyang Pagong”
Kaarawan ni Lucas bukas kaya kahit kakaunti lang ang pera ng tatay niya ay lumuwas ito ng bayan upang bumili ng regalo. Pumunta siya sa divisoria upang doon maghanap ng ibibigay para sa anak niya.
Subalit, wala talagang makita si Mang Simeon na pwedeng iregalo kay Lucas. Habang nakatayo siya sa gilid at nag-iisip, nakita niya ang lalakeng may bitbit na dalawang pagong sa kabilang kanto.
“Sana mura lang ito. Tiyak na magugustuhan ito ng anak ko,” sabi niya sa kanyang sarili habang papalapit sa lalake.
Nakatawad si Mang Simeon sa isang pagong dahil mukhang marami na ring nabenta ang lalake at kailangan na nitong umuwi. Dali-dali nang lumakad ang matanda at sabik sa regalo niya sa anak.
Kinabukasan, pagkagising ni Lucas ay nagulat siya dahil may katabi na siyang pagong. Dali-dali siyang bumangon at tumakbo palabas ng kwarto niya.
“Nay, tay may pagong sa kwarto natin,” sigaw ng bata.
“Maligayang kaarawan anak. Regalo namin yan ng nanay mo sa’yo,” sagot ni Mang Simeon sa anak.
Bakas sa mukha ni Lucas na lubos ang saya niya sa regalo ng mga magulang sa kaarawan niya. Talagang mahilig ang bata sa mga hayop. Simula noon, palagi niyang bitbit ang kanyang pagong.
Isang araw, nilapitan ng ibang bata si Lucas habang ito’y naglalaro ng kanyang pagong.
“E, ang pangit naman pala niyang pagong mo eh. Mukhang sobrang mahina baka hindi nga yan makahabol sa kuneho namin,” sabi ng isang bata.
Ganun yung nangyayari sa tuwing dumadaan ang mga bata sa bahay nina Lucas at saktong naglalaro siya ng pagong niya. Isang araw, hindi na nakapagpigil si Lucas.
“Dalhin niyo dito ang mga kuneho niyo at nang malaman natin kung kaninong alaga ang mahina,” sigaw ni Lucas sa mga kapwa bata niya sa labas.
Hindi naman umatras ang mga bata at bumalik kasama ang mga kuneho nila. Ilang-ulit nilang pinalakad ang mga kuneho at ang pagong pabalik-balik pero ni minsan ay hindi naka-una ang pagong ni Lucas.
“Kita mo na, sadyang mahina yang pagong mo, baka nga may sakit yan,” kantyaw ng isang bata.
Pagdating ng gabi, mukhang hindi na gumagalaw ang pagong ni Lucas. Kinabahan na siya at sinabi sa mga magulang niya ang nangyari.
“Baka na sobrahan sa lakad at init ang pagong mo anak. Ba’t ka ba kasi pumayag na makipag-paligsahan ang pagong mo sa mga kuneho nila, e, magkaibang hayop sila,” sabi ni Mang Simeon sa anak.
Pinagpahinga nila ang pagong upang bumalik ang sigla nito. Habang naghahapunan sila ay kinausap ni Mang Simeon ang anak niya.
“Lucas, sana ay may natutunan ka sa nangyari. Nalagay sa panganib ang buhay ng pagong mo dahil pinayagan mong ikumpara siya sa kuneho.
Parang sa buhay lang iyan anak, bawat tao ay may iba-ibang kakayahan kaya hindi dapat ikinukumpara at hindi sa lahat ng oras ay dapat nating patunayan ang mga sarili natin,” pahayag ng ama.
Tumango naman si Lucas at halatang malungkot ang bata sa nangyari sa pagong niya. Pagkatapos nilang kumain ay nagligpit na sila at nakita ng bata na lumalakad-lakad na uli ang pagong niya.
“Tatay! Tay! Lumalakad na ulit ang pagong, okay na siya!” sigaw ni Lucas.
Napangiti naman si Mang Simeon sa narinig mula sa anak. Halata sa boses nito na sobrang saya niya ngayong mabuti na ulit ang kalagayan ng pagong niya. Simula noon, hindi na niya pinapansin ang mga nangungutya sa alaga niya.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Huwag ikumpara ang dalawang tao, hayop, o bagay na magkaiba
- Hindi kailangang patunayan ang sarili sa lahat ng pagkakataon
- Maging mapagkumbaba
- Tingnan mabuti ang sitwasyon bago magbigay ng reaksyon
- Mahalin at alagaan ng mabuti ang mga hayop
BASAHIN RIN: Si Juan At Ang Kanyang Mga Paboritong Chichirya