Ang Maikling Kwento Tungkol kay Bb. Lucia at sa mga Mag-aaral sa Klase Sampaguita
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Bb. Lucia at sa mga mag-aaral niya sa klase Sampaguita.
“Si Bb. Lucia At Ang Mga Mag-aaral Ng Klase Sampaguita”
Limang taon nang guro sa sekondarya si Bb. Lucia sa Paaralan ng San Juan. Bawat taon, mahigit 30 studyante ang nasa klase niya – ang klase Sampaguita. Subalit, hindi lang mag-aaral ang turing sa kanila ng guro, para sa kanya, mga anak na niya ito.
Bata pa lang kasi si Bb. Lucia ay nais na niyang maging isang guro kung kaya’t kahit mahirap sila, pinagsikapan niyang makapag-aral. Kahit gaano karami ang mga gawain sa propesyon niya ay kinakaya niya.
Marami ang humahanga kay Bb. Lucia pagdating sa trato niya sa mga mag-aaral niya sa klase Sampaguita. Kung sino yung walang baon, walang pamasahe, o walang pambayad sa mga gastusin sa klase ay sagot niya.
Kung mga anak na ang turing niya sa mga mag-aaral niya, parang tunay na ina na rin nila ang turing sa kanya ng mga ito. Subalit, taon-taon ay umiiyak talaga ang guro dahil sa mga mag-aaral niya, yun ay sa tuwing magtatapos na sila.
Isang araw, hindi mabuti ang pakiramdam ni Bb. Lucia at kinailangan niyang dalhin sa ospital. Hinatid siya ng kapatid niyang lalaki sa pagamotan pero umalis rin ito agad dahil may trabaho pa ito.
Habang nakahiga sa higaan sa ospital at naghihintay kung may dadalaw sa kanya, biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang apat na mag-aaral ng guro na sina Sammie, Daisy, Jonathan, at Rigor.
“Mam, kamusta na po ang pakiramdam ninyo? May dala po kaming prutas para sa inyo?” sabi ng isa sa mga mag-aaral ni Bb. Lucia.
Napangiti ang guro sa pagbisita ng kanyang mga mag-aaral. Hindi niya inakala na pagkatapos ng klase ay bibili ang mga ito ng mga pagkain at pupunta sa kanya. Pagdating ng hapon ay nakalabas rin siya nang bumuti-buti na ang pakiramdam niya.
BASAHIN RIN: Ang Mga Munting Hiling Ni Kiko Sa Pasko
Pagbalik sa klase pagkatapos ng Sabado at Linggo ay sinalubong ni Bb. Lucia ng malaking ngiti ang kanyang mga mag-aaral sa klase Sampaguita. Noong magsisimula na sana siya at pupunta sa harap, napansin niyang kulang ang klase niya.
“Nasaan si Jacob?” tanong ng guro.
Agad namang sumagot ang mga mag-aaral na hindi nila alam. Tinawagan ni Bb. Lucia ang nanay ni Jacob pero hindi ito sumasagot. Noong break para sa pananghalian, hindi kumain ang guro at ginamit ang oras upang mapuntahan si Jacob.
Sa pagpunta ni Bb. Lucia sa bahay nina Jacob, nalaman niyang may sakit pala ang mag-aaral niya. Dahil hindi siya nakabili ng makakain, nag-iwan ng pera ang guro sa nanay ni Jacob upang maibili nito ng pagkain ang bata.
Pagbalik niya sa paaralan ay tuloy na sa klase ang guro kahit nagugutom at pagod dahil sa pagbibilad sa araw. Alam ng mga mag-aaral niya ang ginawa niya kaya bumili sila ng sandwich para sa kanilang guro.
Yun ang karaniwang nangyayari sa klase Sampaguita sa tuwing may isang lumiban. Masaya si Bb. Lucia na ganito ang sistema at pagtutulungan sa klase niya.
Pagdating ng pagtatapos, kahit na malungkot siya at magkakahiwalay na sila, masaya rin siya at sabay-sabay na nagtapos ang mga mag-aaral niya.
“Hindi ko sila mag-aaral lang, pamilya ko sila,” lagi niyang sagot sa tuwing sinasabihan siyang nakalimutan na niyang bumuo ng pamilya dahil sa pagtuturo.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Ang kabutihan ay nasusuklian sa iba’t-ibang paraan
- Huwag sumuko kahit gaano man kahirap ang buhay
- Lahat ay magaan pag mahal mo ang ginagawa mo
- Maging matulungin lalo na sa mga lubos na nangangailangan
BASAHIN RIN: Halimbawa Ng Maikling Kwento