Ang Maikling Kwento Tungkol sa Bahay na Napapalibutan ng Mataas na Pader
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol sa sekreto ng bahay na napapalibutan ng mataas na pader.
“Ang Bahay Na Napapalibutan Ng Mataas Na Pader”
Tanyag ang bahay na may mataas na pader sa Baryo Dos. Madadaan ito papuntang probinsya ng Tinijauan kung kaya’t marami ang nakakaalam nito. Subalit, walang may alam kung bakit nga ba masyadong mataas ang pader na nakapalibot sa bahay.
Isang araw, habang nagmamaneho ang binatang si Franz papuntang probinsya upang dalawin ang lola niya, nadaanan niya ulit ang bahay na may mataas na pader sa paligid.
“Alam mo tol, ang tagal-tagal na ng bahay na ‘to. Nasa unang baitang pa lang ako sa elementarya, e, nariyan na iyan. Halos walang pinagkaiba,” sabi ni Franz sa kaibigang si Jestoni.
“E, pano mo naman nalaman na may bahay sa loob niyan? Baka pader lang talaga iyan,” sagot naman ni Jestoni.
Nagdahilan na lang si Franz na usap-usapan talaga na may bahay sa loob ng mataas na pader sa Baryo Dos. Nagpatuloy na siya sa pagmamaneho hanggang sa makarating sa probinsyan ng Tinijauan. Hindi pa rin maalis sa isip niya ang mataas na pader.
“Tol, bukas pag-uwi natin, punta tayo doon sa bahay na may mataas na pader sa palibot. Silipin natin kung anong mayroon sa loob,” yaya ni Franz sa kaibigan.
Hindi naman kumontra si Jestoni sa gustong mangyari ni Franz. Kinabukasan, maaga pa lang ay umalis na sila pauwi. Bakas sa mga kilos ni Franz na talagang nais niyang mapatunayan na may bahay talaga sa loob ng pader na iyon.
BASAHIN RIN: Si Maymay at ang Kanyang Aso at Pusa
Pagdating nila sa Baryo Dos, inihinto ni Franz ang sasakyan sa harap ng malaking gate. Bumaba sila ni Jestoni at sumilip.
“Di ba sabi sa’yo may bahay talaga dito,” sabi ni Franz na mahinang-mahina ang boses.
Nakita ng magkaibigan na may bahay talaga sa loob. Hindi masyadong kalakihan at maraming dalaga at binata ang mukhang naglalaro sa loob. Yung iba sa kanila, takbo ng takbo at sigaw ng sigaw kahit wala namang hinahabol.
May isang matandang lalake na nakaupo sa isang silya at may matandang babae rin na nagpapakain sa isa sa mga dalaga. Nakita niya na may sumisilip sa gate nila kaya nilapitan niya ito.
Dali-daling lumakad patungo sa kotse sina Franz at Jestoni. Subalit, bago pa man sila nakasakay sa sasakyan, tinawag sila ng matandang babae.
“Anong sinisilip niyo sa bahay namin?” tanong ng matanda.
“Ah, e, ah wala po nay. Ah… Ah… Alis na po kami,” pautal-utal na sagot ni Jestoni sa matanda.
“Sana’y walang may makakaalam ng nakita ninyo mga hijo, ayaw kong mawala’y sakin ang aking mga anak,” sabi ng matanda sa magkaibigan.
Natigilan sina Franz at Jestoni. Mas lalong gustong-gusto ni Franz na malaman ang katotohanan sa loob ng bahay kung kaya’t tinanong niya ang matanda.
“Mawalay? Bakit naman po?” sabi niya.
Kahit mukhang ayaw niya, ikinuwento ng matanda sa dalawang binata ang nangyayari sa loob ng bahay nila. Sabi niya, mayaman silang mag-asawa ngunit lahat ng kanilang mga anak ay may deperensya sa utak.
“Hindi namin alam kung bakit nagkakaganun sila. Ipinasuri na namin sa doktor pero talagang walang lunas daw. Kinakatakutan sila ng mga tao sa palibot, kinukutya, kung anu-ano na lang,” kwento ng matanda.
Ayon sa matanda, ayaw nilang mag-asawa na mawalay sa kanila ang kanilang anim na anak kung kaya’t itinago nila sila. Sinabi niya na walang kasing sakit sa tuwing kinukutya o kinatatakutan ng mga tao sa paligid ang mga anak nila.
“May isang anak kami na tanging hindi nagkaroon ng sakit sa utak. Nasa ibang bansa siya nagtratrabaho. Siya ang bumubuhay sa aming lahat dahil matanda na rin kami ng papa nila at hindi na makakapagtrabaho,” sabi ng matanda.
Hindi makapaniwala sina Franz at Jestoni sa mga narinig nila. Kaya pala kung anu-ano ang ginagawa ng mga binata at dalaga sa loob, e, dahil wala sila sa tamang pag-iisip. Naawa ang magkaibigan sa matanda.
Inabutan ni Franz ng pera ang matanda na agad nitong ipinagpasalamat. Si Jestoni naman, pumunta sa likod ng sasakyan at kinuha ang lahat ng pagkain na nandoon at ibinigay sa matanda.
Bakas sa mga mata ng matanda ang pasasalamat. Halata na hindi na masyadong maayos ang kalagayan ng pamilya at naubos na ang pera ng mag-asawa pantustus sa mga anak nila.
Umalis na sina Franz at Jestoni at habang papauwi, parehas silang tahimik na nag-iisip kung ano ang pwede nilang maitulong sa pamilya na nakatira sa bahay na may mataas na pader.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Mas masakit para sa mga magulang ang masakit na ginagawa sa kanilang mga anak
- Pwedeng tumulong sa kahit anong paraan, malaki man o maliit.
- Huwag basta-bastang manghusga ng ibang tao