Ang Maikling Kwento Tungkol sa mga Nawawalang Sapatos ni Kulas
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol sa mga nawawalang sapatos ng batang si Kulas.
“Ang Mga Nawawalang Sapatos ni Kulas”
Nasa katamtamang estado ng pamumuhay ang pamilya ng batang si Nicholas Cruz. Mas kilala siya sa Kalye Sampaguita bilang si Kulas, sampung taong gulang na anak nina Julio at Vina Cruz.
Nagtatrabaho sa isang pagawaan ng mga kasangkapan sa bahay ang ama ni Kulas samantalang kahera naman isang tindahan ang kanyang ina.
Isang araw, habang tinatali ni Vina ang sintas ng sapatos ng anak ay nagtaka ito.
“Nak, ba’t ang lumang rubber shoes mo ang suot mo? Di ba binilhan ka namin ng papa mo ng bago?” tanong ng ina sa bata.
Hindi sumagot si Kulas at nagkataon naman na bumusina na ang sasakyan na maghahatid sa kanya sa paaralan. Humalik ito sa mama niya at dali-daling tumakbo palabas ng bahay.
“Leon, bilisan mo nariyan na iyong school bus,” sabi ni Kulas sa nakababatang kapatid habang tumatakbo siya palabas.
Natapos ang kalahating-araw ng klase at hinatid na pauwi sa kanilang bahay sina Kulas at Leon. Pagdating nila sa sala, nagulat ang panganay na may karton na naglalaman ng bagong sapatos.
“Ma, kanino po ‘tong rubber shoes?” tanong ni Kulas sa ina niya.
Ngumiti ang ina at sinabihan siyang sa kanya iyon. Bagong rubber shoes at mukhang mamahalin yung binili ng mama niya para sa kanya. Kinabukasan, sinuot niya ito papuntang paaralan dahil sakto naman na P.E. nila.
Pagkalipas ng isang linggo, nagulat si Vina noong sinumbatan sya ni Julio habang nag-aayos siya sa harap ng salamin at ang asawa naman ay nagbabasa ng dyaryo sa higaan nila.
“Akala ko ba binilhan mo ng bagong sapatos si Kulas kaya naubos ang sweldo mo. Bakit mukhang luma yata yung nabili mo,” sabi ni Julio.
Nagulat si Vina sa sinabi ng asawa. Idiniin niya bumili talaga siya ng bago at mahal iyon kaya humiram pa siya ng pera sa may-ari ng tindahan.
BASAHIN RIN: Si Stella At Ang Mga Kaibigan Niya Sa Araw ng Pasko
Pagdating ng tanghalian, nakarating na ang mga bata. Tama si Julio at luma na ang sapatos na suot ni Kulas. Nagulat ang ina at tinanong ang anak.
“Nak, binilhan kita ng bagong sapatos, e, bakit luma pa rin iyang sinusuot mo?” tanong ni Vina sa anak.
Nagdahilan si Kulas na nakalimutan niya raw na may bago na pala siyang sapatos. Inutusan siya ng ina na kunin iyon at dalhin ito sa kanya. Ilang minuto na naghintay si Vina pero hindi bumalik si Kulas.
Pinuntahan niya ito sa kwarto at nadatnan niya palakad-lakad si Kulas at balisa. Tinanong ulit ni Vina ang anak tungkol sa sapatos niya. Pang-apat na pares ng sapatos na iyon na binili para sa kanya ngayong taon.
“Mama, patawad po. Binigay ko po sa kaibigan ko sa labas ng paaralan ang bagong sapatos na bili niyo para sa akin,” pagtatapat ng bata.
“Ano? Binilhan ka ng bago tapos ipamimigay mo lang pala? Walang mali sa pagbibigay anak pero sana, inisip mo rin na binili namin ng papa mo iyon para sa iyo. Nag sinungaling ka pa,” sabi ni Vina sa anak.
Pinuri ng ina ang bata sa pagiging mapagbigay nito pero pinaalalahanan rin niya na mali ang magsinungaling kahit ano pa ang dahilan. Inihayag niya rin kay Kulas na sana ay pahalagahan nito ang mga binibigay nila ng ama niya dahil pinaghihirapan nila ito.
Humingi ng patawad si Kulas at nangako sa ina na pahahalagahan na niya ang susunod na mga sapatos at mga gamit na ibibigay sa kanya ng mama at papa niya. Nangako rin siyang hindi na siya magsisinungaling.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Pahalagahan ang mga pinaghihirapan ng mga magulang
- Huwag magsisinungaling kahit mabuti pa ang dahilan
Iba pang mga maikling kwento:
- Si Baste At Ang Aso Niyang Si Pancho
- Si Juan Na Laging Wala Sa Klase
- Si Amboy At Ang Saranggola Na ‘Di Marunong Lumipad
- Si Pepe At Ang Bato Ni Lola Pacing
- Ang Babaeng Nakadungaw Sa Malaking Bintana
- Ang 12 Kahilingan ni Benny sa Pasko
- Si Alas At Ang Ginintuan Niyang Puso
- Ang Agila at ang Itim na Sisiw ni Jose
- Si Julio At Ang Sapatero Sa Kanto
- Tagalog Short Stories: 5 Halimbawa Ng Maikling Kwento Na May Aral
- Tagalog Short Stories: 5 Maikling Kwento Para Sa Mga Bata
- Tagalog Short Stories: 5 Maikling Kwento Tungkol Sa Pamilya