MAIKLING KWENTO: Ang Bahay na Marmol sa Gitna ng Gubat

Ang Maikling Kwento Tungkol sa Bahay na Marmol sa Gitna ng Gubat

MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol sa bahay na marmol sa gitna ng gubat.

“Ang Bahay na Marmol sa Gitna ng Gubat”

Bakasyon na naman at nagpasya ang mag-asawang Rodel at Cynthia na dalhin ang kanilang dalawang anak sa lugar na hindi pa nila napupuntahan. Dinala ng mag-asawa sina Rolly at Cindy sa kagubatan ng Darib.

Magkaklase sina Rodel at Cynthia noong nasa kolehiyo sila at minsan ay nakapunta na sila sa Gubat ng Darib para sa kanilang proyekto. May iilang kwarto o papag doon na pwedeng rentahan para sa bakasyon.

“Maganda ba doon Papa? Ba’t doon tayo pupunta at hindi na lang sa mall?” tanong ng bunsong si Cindy sa ama niya.

“Para makita niyo ng kuya mo ang mga magandang tanawin sa Darib. Kakaiba kung doon tayo magbabakasyon,” paliwanag ng ama.

Nakarating na sila sa Kagubatan ng Darib pagkatapos ng limang oras na biyahe sa bus at halos isang oras na paglalakad. Nadaanan nila ang marmol na bahay sa gitna ng gubat.

“Wala pa ito noon nung pumunta tayo rito. Kanino kaya ang magarang bahay na ito?” tanong ni Cynthia sa  asawa niya.

Tiningnan lang ni Rodel ang bahay at nagkibit-balikat. Kahit siya ay manghang-mangha sa marmol na tahanan sa gitna ng gubat. Pati ang dalawang bata ay gandang-ganda sa bahay na iyon.

BASAHIN RIN: Ang Lumang Tren Sa Purok Mahinahon

Pagdating nila sa papag na nirentahan nila, agad ng naghanda ng hapunan ang mag-asawa. Sina Rolly at Cindy naman ay naglakad-lakad. Bumalik sila sa marmol na tahanan.

Subalit, bago pa sila makalapit doon ay tinawag na sila ni Mang Lucio, ang tagapagbantay sa kagubatan. Habang naglalakad sila pabalik, doon ikinuwento ng matanda kung bakit hindi sila dapat lumapit doon.

“Masungit ang matandang lalaki na nakatira diyan. Nag-iisa lang siya diyan at hindi alam kung bakit diyan siya tumira, e, halata namang mayaman siya. Ang pagkakaalam ko ay iniwan na siya ng pamilya niya,” sabi ni Mang Lucio sa dalawang bata.

Nakabalik na sina Rolly at Cindy sa papag at kumain na kasama ang kanilang mga magulang. Nanood rin sila ng mga bituin bago matulog. Kinabukasan, maagang nagising ang dalawang bata.

“Tara Cindy balik tayo roon sa bahay na marmol,” pagyaya ni Rolly sa nakababatang kapatid niya.

Nag-aalinlangan pang sumama si Cindy pero alam naman niya na hindi siya pababayaan ng kuya niya kaya lumakad na sila.

Maikling Kwento

Pagdating doon, saktong lumabas ang matanda na nakatira sa bahay na marmol. Tinawag sila at ipinapasok sa bahay nito. Niyaya pa silang kumain at habang naghahanda ang matanda ng masasarap na pagkain ay nagkukwento siya.

“Matapang rin kayo noh at bumalik pa kayong dalawa kahit sinabihan na kayong masungit ako. Hindi naman talaga ako ganun sa lahat. Kadalasan, ayaw ko lang ng mga batang sobrang kulit at mga taong mapanghusga.

Iniwan na ako ng pamilya ko dahil hindi na raw nila kaya ang pag-uugali ko. May bago na silang pamilya at ako’y nakalimutan na kaya kayo, iwasto niyo ang mga masasama niyong ugali habang bata pa kayo,” payo ng matanda sa dalawang bata.

Sinabayan nina Rolly at Cindy sa pagkain ang matanda dahil marami itong hinanda. Patuloy pa rin sa pagkwento ang matandang si Douglas.

Ayon sa kanya, talagang mayaman sila kaya lang palagi siyang walang oras sa pamilya niya noon at palagi silang nag-aaway sa sama ng ugali niya. Isang araw, nagulat na lang siya na nilisan na nila ang mansyon nila at hindi na nagpakita kailanman.

“Nalaman ko na lang na bumuo na ng bagong pamilya ang aking asawa kasama ang aming tatlong anak. Ayaw na nilang bumalik sa akin at kahit naghihirap sila ngayon ay mas pipiliin daw nila ang buhay na iyon kaysa makasama ang isang tulad ko.

Ngayong wala na ang pamilya ko, para wala na rin ako sa mundong ito. Aanhin ko tong sandamakmak na pera, e, wala naman akong kasama sa buhay,” malungkot na pahayag ni Douglas.

BASAHIN RIN: Tagalog Short Stories: 5 Maikling Kwento Para Sa Mga Bata

Bago pa magpatuloy sa pagkwento ang matanda ay narinig na niyang may sumisigaw sa labas. Iyon ay ang ama ng dalawang bata na si Rodel.

“Palabasin mo ang mga anak ko. Mga bata lang iyan,” sigaw ng ama na alalang-alala sa kanyang dalawang anak.

Agad na ipinalabas ni Douglas sina Rolly at Cindy. Pinadalhan niya pa ito ng mga masasarap na pagkain. Galit si Rodel at pinapangaralan ang dalawang bata habang sila’y naglalakad pabalik sa kanilang papag.

Pagdating nila roon, tumakbo at niyakap ng mahigpit ni Cindy ang mama niya.

“Mama ang bait-bait po ni Lolo Douglas at nakakaawa siya. Tama kayo, kakaibang bakasyon nga ang mararanasan namin dito,” sabi ng bata sa nanay niya.

Kinuwento nina Rolly at Cindy ang nangyari. Hangang-hanga ang mag-asawa sa mga aral na napulot ng kanilang dalawang anak mula sa kwento ng matanda.

Bago sila umuwi, dumaan sila sa bahay na marmol sa gitna ng gubat at humingi ng patawad si Rodel sa matanda. Nagpasalamat rin ang pamilya sa mga masasarap na pagkain na ipinadala niya.

Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.

Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:

  • Maging mabait sa mga tao sa paligid
  • Mas pahalagahan ang pamilya kaysa pera
  • Bigyan ng pagkakataon ang isang tao na magbago
  • Magsumikap na magpatuloy sa buhay gaano man kabigat ang iyong idinadala
  • Magbago pa maging huli ang lahat

Iba pang mga maikling kwento:

Leave a Comment