Ang Maikling Kwento Tungkol sa 12 Kahilingan ni Benny sa Pasko
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol sa 12 kahilingan ni Benny sa Pasko.
“Ang 12 Kahilingan ni Benny sa Pasko”
Anak ng mayamang mag-asawang Lopez si Benny o Bennington Lopez. Dahil nag-iisang anak, lahat ng luho ng pitong taong gulang na bata ay agad na ibinibigay. Ngunit hindi siya katulad ng ibang mayamang bata.
Malimit kung may hingin si Benny sa mga magulang niya at kung mayroon man ay ipinapasabi niya na lang ito sa drayber nila. Kadalasan kasi ay wala ang daddy at mommy niya sa mansyon nila. Parehong strikto ang mga magulang ng bata.
Madalas ay mag-isang naglalaro si Benny. Minsan ay lumalabas rin siya ng bahay kasama ang yaya niya at nakikipaglaro sa mga bata sa kalye ngunit pagdating na pagdating ng mga magulang niya ay ipinapapasok siya agad.
“Mommy, pwede po bang mag-imbita na lang ako ng mga bata dito sa bahay para makapaglaro kami?” tanong ni Benny sa ina niya.
Bigo si Benny sa kahilingan niya. Nagbilin rin ang mommy niya sa yaya niya na huwag siyang papalabasin upang makipaglaro sa mga bata sa kalye.
Sinabi ng mommy ni Benny sa bata na hintayin niya na lang na dumating mula abroad ang mga pinsan niya at sila ang magiging kalaro niya. Dalawang buwan pa bago ito mangyari at mauuna pang dumating ang kaarawan niya.
Lumipas ang mga araw na nag-iisang naglalaro si Benny. Isang umaga, awang-awa na talaga ang kanyang Yaya Piling sa kanya at niyaya siyang lumabas ng bahay. Hinayaan siya ng yaya niyang maglaro sa mga kaibigan niya.
Pagkatapos nilang maglaro, bumili rin sila ng pagkain at binigyan rin nila ang mga batang kalye. Sa di inaasahang pagkakataon, maagang umuwi ang daddy ni Benny. Pagpasok nila ng mansyon ay nakaupo na ito sa sala.
“Saan kayo galing? Di ba sinabi sayong huwag dalhin si Benny sa labas?” tanong ng daddy ng bata kay Yaya Piling.
Hindi na nagpaliwanag ang matanda at kusa na lang itong humingi ng patawad. Si Benny naman ay pinagalitan ng daddy niya.
“Lahat na lang ng laruan na gusto mo ibinibigay ko, hindi ka pa makuntento. Umakyat ka sa kwarto mo at bawal ang panonood ng TV,” sigaw ng ama ng bata sa kanya.
BASAHIN RIN: Tungkol Sa Huling Araw Ni Mang Tomas
Kinabukasan, walang Yaya Piling na gumising kay Benny upang yayain siyang mag-agahan na. Nakaalis na rin ang mommy at daddy niya pagka gising niya. Ang sabi ng drayber sa kanya, pinauwi na raw ang yaya niya sa kanila.
Nalungkot at umiyak si Benny. Buong linggo, ang mga katulong at drayber lang nila ang kasama niya sa bahay sapagkat may business trip ang mga magulang niya.
Isang hapon, habang naglalaro si Benny sa harden nila ay may nakita siya aso malapit sa gate nila. Mukhang gutom ito at may sugat pa sa mukha. Awang-awa, binuksan niya ang gate at pinapasok ito.
Patagong dinala ni Benny sa kwarto niya ang aso. Kumuha rin siya ng pagkain sa kusina nila at ibinigay ito sa aso na agad naman nitong kinain.
“Simula ngayon ikaw na si Bruno. Kain ka lang, maglalaro tayo mamaya,” sabi ng bata sa aso habang nasa ulo nito ang kamay niya.
Isinara ni Benny ang pinto ng kwarto niya at naglaro sila ni Bruno maghapon. Walang kaalam-alam ang mga yaya nila na may aso siyang kasama sa loob. Pagkatapos ng tatlong araw ay nakauwi na ang mga magulang niya.
Sa pananabik ni Benny sa daddy at mommy niya ay nakalimutan niyang isara ang pinto noong lumabas siya. Sumunod sa kanya si Bruno at nakita ito ng mga magulang niya.
Nagalit ang daddy ni Benny at sinigawan siya nito. Inawat ng mommy niya ang daddy niya at sinabihan ang bata. Agad-agad na ipinalabas si Bruno sa mansyon. Doon siya itinali sa labas ng gate.
Pagkalipas ng isang linggo ay kaarawan na ni Benny. May malaking selebrasyon at maraming bisita ngunit wala ang kanyang mga magulang. May biglaang inasikaso ang mga ito sa negosyo nila sa ibang bansa.
Kahit ang dami-dami ng pumunta sa kaarawan niya, malungkot pa rin si Benny dahil wala ang daddy at mommy niya. Pagkatapos ng selebrasyon ay agad siyang pumunta sa kwarto niya at hindi na lumabas.
Pagkalipas ng isang linggong bakasyon ay balik eskwela na si Benny. Hinatid siya ng drayber nila sa paaralan. Noong papunta sila roon, nangyari ang hindi inaasahan. Isang aksidente ang tumapos sa buhay ng pitong taong gulang na bata.
Agad-agad na umuwi ang kanyang mga magulang at hindi makapaniwala sa nangyari. Labis silang nalungkot at yung lungkot ay nahaluan ng pagsisisi pagkatapos inabot ng isang kasambahay nila ang papel na nakuha sa bulsa ni Benny.
Ang papel na iyon ay naglalaman ng mga kahilingan ng nag-iisa nilang anak sa Pasko.
1. Sana po magkaroon na ng oras sina Daddy at Mommy sa akin.
2. Sana po mapabalik sa trabaho si Yaya Piling.
3. Mabigyan po sana ng mga laruan at pagkain ang aking mga kaibigan.
4. Sana po maging mabait na si Daddy sa akin.
5. Sana po hahayaan na ako ni Mommy na makipaglaro sa mga kaibigan ko sa labas.
6. Pumayag na sana po si Mommy na papasukin ang mga kaibigan ko sa bahay namin.
7. Sana po papasukin na sa mansyon si Bruno.
8. Sana pakainin po namin si Bruno at maging busog at masaya siya.
9. Makapagpahinga rin po sana ang aking mga magulang. Lagi na lang po silang abala.
10. Sana papupuntahin ni Mommy ang mga bata sa labas sa birthday ko.
11. Hindi na sana umalis sina Daddy at Mommy tuwing birthday ko.
12. Sana po maging katulad rin kami ng ibang masasayang pamilya.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Maglaan ng oras para sa pamilya
- Huwag magpapadala sa galit
- Maging mabait sa ibang tao sa kabila ng pagkakaiba ng estado sa buhay
Iba pang mga maikling kwento:
Ano ang refleksyon sa kwentong ito