Basahin ang Maikling Kwento Tungkol Kay Aling Norma
MAIKLING KWENTO 2024 – Narito ang isang kwento tungkol kay Aling Norma at ang kanyang mga halaman na parang mga anak na niya.
Hindi maikakaila na maraming maikling kwento ang mababasa kung saan-saan. Subalit, kung ikaw ay naghahanap ng isang kwentong mapupulutan ng aral at hindi pa masyadong nabasa ng maraming tao dahil hindi naman ito makikita sa libro, narito ang isang kwento tungkol kay Aling Norma at sa mga halaman niya.
Si Aling Norma at Ang Mga Halaman Niya
Sa bayan ng Nakpil ay nakatira ang isang babaeng nasa apatnapung taong gulang, si Aling Norma. Siya ay biniyayaan ng isang maliit na pamilya noon ngunit may mga hindi maiiwasang pangyayari sa kanyang buhay.
Dalawang-taon pa lamang noon ang anak nina Aling Norma at Mang Pilo nang matamaan ng kidlat si Mang Pilo. Siya ay isang magsasaka at tyempong ililipat na sana niya ang kalabaw niya ng biglang umulan ng malakas, kumulog, at kumidlat. Natamaan ng kidlat si Mang Pilo at namatay ito agad.
Mag-isang itinaguyod ni Aling Norma ang anak nilang si Tomas sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga kakanin. Sapat na sa kanya noon na makakain silang mag-ina at may kaunti siyang ipon para sa paghahanda para sa pag-aaral ng kanyang anak. Ang lahat ng kanyang oras at atensyon ay nakatuon kay Tomas, sa pagtitinda, at sa kanyang mga pinakamamahal na halaman.
Subalit tatlong taon pagkatapos mamatay si Mang Pilo, sa hindi inaasahang pagkakataon, nawala rin ang anak nila ni Aling Norma. Biglang nagkasakit si Tomas at lumala ang kanyang sakit. Sa loob ng tatlong buwan, nawala siya.
Naging sobrang malungkot ang buhay ni Aling Norma simula nang mamatay si Tomas. Nawalan siya ng pag-asa na parang gusto niya na ring mamatay. Kahit sa pag kain ay wala siyang gana at niya na rin nakukuhang alagaan ang kanyang mga halaman katulad noon. Talagang nawalan ng gana sa buhay si Aling Norma.
Dahil sa kawalan ng lakas para mamuhay katulad ng dati, kahit mga halaman ni Aling Norma ay hindi niya na nadidiligan. Unti-unting namatay ang ilan sa mga halaman niya.
Isang araw, pagkagising ni Aling Norma, nakita niya na nalalanta na rin ang mga paborito niyang halaman. Pinilit niyang bumangon mula sa kanyang pagkakahiga at kumuha ng tubig. Diniligan niya ang kanyang mga halaman. Naging mabibigat pa rin ang mga gising ni Aling Norma sa mga sumunod na araw at linggo pero araw-araw niyang sinisikap na bumangon, kumain, at diligan ang kanyang mga halaman.
Isang araw, hindi pa nadilat ni Aling Norma ang kanyang mga mata ay may naaninag na siyang sikat ng araw. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naging mabuti na ulit ang kanyang gising at may kaunting saya siyang nadama nang makitang namumulaklak na ang kanyang mga halaman.
Aral Mula sa Kwento:
Gaano man kahirap ang buhay, kailangan nating matutong magpatuloy at umasang makakaahon rin tayo ulit sa kahit anumang pagkalugmok. Sa panahon ng kabiguan, kailangan natin ng makakapitan para magpatuloy sa buhay at sa kahit anong estado natin, paniguradong may ibang nangangailangan ng tulong natin.