Narito Ang Maikling Kwento Tungkol Sa Batang si Pilar
MAIKLING KWENTO – Narito ang isang kwentong mapupulutan ng aral tungkol sa isang batang si Pilar at ang kanyang alagang matsing.
Maraming mga maikling kwento na mababasa onlayn. Subalit, karamihan sa mga ito ay mga karaniwang kwento na nabasa na ng halos sa mga bata o mag-aaral. Kung ikaw ay naghahanap ng isang kakaibang kwento na nag-iisa lang onlayn, narito ang isa sa mga maikling kwentong ito — ang kwento ni Pilar at ng kanyang alagang matsing.
Si Pilar ay nakatira sa bundok. Ang walong-taong gulang na batang babae ay naiwan sa pangangalaga ng kanyang lolo Isko at lola Teodora. Sanggol pa lamang siya nang mamatay ang kanyang ama dahil sa sakit. Nang siya ay tatlong-taong gulang, pumanaw rin ang kanyang ina dahil sa isang aksidente nang tumungo ito sa bayan.
Dahil sa hirap ng buhay, si Pilar ay hindi nakapag-aral. Malayo sa bayan ang kanilang kubo kung saan siya nakatira kasama ang kanyang lolo’t lola at si Oskar, ang kanyang pinakamamahal na alaga.
Si Oskar ay isang matsing. Sanggol pa lamang siya ng matagpuan siya ng ama ni Pilar sa bundok. Siya ang tanging nakaligtas nang may isang grupo ng mga lalake na pumunta sa bundok at hinuli ang mga matsing para dalhin sa isang zoo sa bayan at pagkakitaan.
Inuwi ni Mang Karyo ang matsing kaya halos kasabay na itong lumaki ng kanyang anak na si Pilar. Tuwing umaga, naka-gawian na ni Pilar at ni Oskar na maglaro sa mga baging ng mga puno. Sila ay matalik na magkaibigan na parang magkapatid na — kung hindi nga lang matsing si Oskar.
Nangako si Pilar kay Oskar na kahit anong mangyari ay puprotektahan niya ito. Hindi lingid sa kaalaman ng bata na paminsan-minsan ay may mga lalakeng umaakyat ng bundok para manguha ng mga hayop.
Isang araw, tyempong naglalaro sina Pilar at Oskar nang may tatlong lalakeng dumating. Nakita nila ang matsing at tinangka nilang hulihin ito. Mabilis na tinuro ni Pilar kay Oskar ang kanilang kubo sa ibabaw ng puno para sabihan itong umakyat na nang hindi siya maabutan.
Nakatakas si Oskar at nasa kubo na siya sa ibabaw ng puno. Nagmakaawa si Pilar sa mga lalake na hayaan na ang matsing dahil masaya itong namumuhay kasama ang kanyang pamilya. Mangiyak-ngiyak na nakiusap si Pilar para sa kaligtasan ng kanyang kaibigan.
Subalit ayaw makinig ng isa sa mga lalake. Sinigawan niya pa ang bata na tumahimik na dahil ang matsing ay hindi nila tatantanan. Nang marinig ni Oskar na sinigawan si Pilar, bumaba ito mula sa kubo para tulungan ang bata.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, tinakot ni Oskar ang mga lalake sa pamamagitan ng pagtangkang kakagatin niya ang mga ito. Walang nagawa ang mga lalake kundi tumakbo paalis. Mabait ang matsing at halatang napilitan lamang ito para rin sa kaligtasan ng kanyang kaibigan.
Aral:
Ang tunay na pagkakaibigan ay nasusukat hindi lamang sa kung gaano kayo sa mga panahong masaya ang lahat. Mas lalo itong nasusukat sa panahon ng hirap, kagipitan, at kahit pa peligro. Ang tunay na magkaibigan ay hindi nag-iiwanan.