Sulating Akademiko Halimbawa At Kahulugan Nito

Halimbawa Ng Mga Sulating Akademiko

SULATING AKADEMIKO HALIMBAWA – Ang akademikong pagsusulat o sulating akademiko ay naglalayong mapataas ang kaalaman ng mga mambabasa.

Bukod rito, nangangailangan rin ng mataas na antas ng kaalaman para makasulat nito. Kadalasan, ang mga sulating katulad nito ay ginagamit sa mundo ng akademya at siyensya.

Sulating Akademiko Halimbawa At Kahulugan Nito

Heto ang mga halimbawa:

  • Repleksib sanaysay
  • Abstrak 
  • Talumpati 
  • Bionote
  • Sintesis

Ang mga sulating ito ay mayroon ring iba’t-ibang anyo batay sa kung sino ang mambabasa. Halimbawa, mga akademiko, mag-aaral, mag re-rebyu, medya, at iba pa.

Heto ang mga halimbawa ng Anyo ng mga Akademikong sulating:

  • Plano ng pananliksik
  • Pamumuna 
  • Liham 
  • Manwal 
  • Rebyu ng Mag-aaral 
  • Ulat 
  • Artikulo sa Jouranal 
  • Sanaysay 
  • Anotasyon ng Bibliyograpi
  • Balita

Heto ang isang halimbawa ng Sulating Akademiko batay sa Heroismo Ni Rizal at ang Kabayanihan ni Bonifacio na isinulat ng estudyanteng si Audrey Jastia:

Sa pahayag ni Zeus Salazar, kanyang ikinompara ang kaibahan ng kahulugan sa pagitan ng isang “bayani” at isang “hero”. Gayunpaman, sa aking opinyon, ang dalawang terminolohiya’y malawak ang sakop at hindi magkalayo ang pagkakaiba. Inilarawan ni Salazar na ang isang “bayani” ay matapang at iniisip ang kapakanan ng kapwa at ng bayan bago ang sarili. Samantala, kanya namang inihalintulad ang “heroes” sa konsepto ng mga mayayaman sa kanlurang bahagi ng mundo. Ngunit, ako’y mariing hindi sumasang-ayon sa kanyang paglalathalang ito.

Ang ideyolohiya sa likod ng kanyang pagkakahulugan ng isang “bayani” at isang “hero” ay maituturing na “gatekeeping” sa wikang ingles. At saka, ito’y nagreresulta ng dibisyon sa pagitan ng mga sector sa lipunan sa loob ng rebolusyong Pilipino. Kanyang itinanyag na ang mga “maka-baya, maka-sama, maka-hirap, o kasama ng mahirap” tulad nila Andres Bonifacio at Macario Sakay, at mga ordinaryong katipunero bilang mga “tunay” na bayani. Samantala, ang mga ilustrado, o ang mga napabilang sa marangyang kupunan, ay ginampanan ni Salazar na mga kanluraning konsepto ng bayani o “hero”.

Inaamin ko, ako rin ay sumasang-ayon sa katwirang si Rizal ay hindi dapat tinawag na Pambansang Bayani ng Pilipinas. Ito’y sa kadahilanang si Rizal ay hindi pinili ng mismong mga Pilipino kundi ng mga Amerikano sa kanyang panahon na gustong gawing modelo sa mga kapwa niya Pilipino. Sa katunayan, maaari nating sabihin na si Rizal ay ang perpektong imahen ng isang tunay na bayani, may mabuting prinsipyo at edukadong pasipista na pinipili ang reporma kaysa rebolusyon.

Para sa mga Amerikano, si Rizal ang perpektong kandidato para sa mamamayang Pilipino sa panahon ng kanilang pananakop. Kanilang hangad na ang titingalain ng mga Pilipino ay ang tao na puno ng pagkamakabansang mithiin at sa kabilang banda ay hindi mapanganib sa bayan. Para sa akin, ito ang pangunahing rason kung bakit si Rizal ang tinaguriang pambansang bayani sa halip na si Bonifacio na sumulong sa giyera at rebolusyon ang tanging minimithi. Kung mas piniling sambahin ng mga Pilipino ang kanyang mga mithiin kaysa ng kay Rizal sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, malamang ito’y nagresulta ng madugong patutuos. Ito ang dahilan kung bakit ang kaisipan ni Rizal at ang kanyang pagkabayani ang itinuro ng mga Amerikano sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Sa isang paraan, si Rizal, ayon kay Julius Mariveles, ay ang “Mythic Vision” ng Amerika sa kung ano ang imahen ng isang bayani.

Kahit pa na ang mga Amerikano ang pumili kay Rizal, hindi nito maiwawala ang katunayan na ang kanyang tanging hangad ay ang mapalaya ang bansang Pilipinas mula sa mga mang-aapi. Dito magsisimula ang aking pangangatwiran laban sa mga inilahad ni Salazar. Hindi dapat inilalayo ang pagkakahulugan ng isang “bayani” at ng kanluraning konsepto nito. Walang dibisyon ang dapat na naghahati batay sa kanilang kinalakihan. At sa wakas, ang “hero” ay hindi lamang konsepto ng kanluran kundi ng daigdig, tulad ng “bayani”.

Isa sa maling pagkakahulugan ni Salazar sa isang “hero” ay ang paghahalaga raw nito sa sariling kapakanan kaysa ng taong bayan. Bukod pa rito, kanya ring ipinahayag na ang mga aksyon ng bayani ay nagpapakita ng pagpapakumbaba at pawang katulad lamang ng ibang kasama. Samantala, hindi ito ang kalagayan ng bayaning Pilipino na inilalarawan ni Salazar. Si Bonifacio ay tinuringang “maka-baya, maka-sama, maka-hirap” pero rebolusyon pa rin ang kanyang itinutulak para sa kalayaan ng mga mamamayan mula sa pang-aapi. Kung kanyang minimithi na maging katulad lamang ng ibang kasama, nanatili na lamang sana siya na kontento sa kasalukuyang sistema sa panahon ng Kastila, tulad ng ginawa ng mga ordinaryong Pilipino.

Sa halip, sa pamamagitan ng mga gawa ni Rizal at mga inspirasyon na kanyang nakalap sa pagbabasa tungkol sa rebolusyon tulad ng “Les Miserable”, ay napukaw ang pagnanais ni Bonifacio na magkaroon ng malayang bansa. Para sa akin, ito ang tunay na “bayani” at “hero”. Isang tao na magbibigay inspirasyon sa iba upang gawin ang makabubuti sa bansa at isang tao na hindi duwag upan ipaglaban ito.

BASAHIN RIN: The Indolence Of The Filipino – Does Rizal’s Essay Portray Nationalism?

Leave a Comment