Ang Maikling Kwento Tungkol kay Juan at sa kanyang mga Paboritong Chichirya
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Juan at sa kanyang mga paboritong chichirya.
“Si Juan at ang kanyang mga Paboritong Chichirya”
Halos araw-araw ay napapagalitan ni Aling Meding ang anak na si Juan dahil sa mga paborito nitong kainin. Kadalasan ay hindi na nananghalian at naghahapunan ang bata dahil busog ito sa kakakain ng chichirya.
“Palagi ka na lang busog anak. Hindi makakabuti sa iyo ang palaging pagkain ng chichirya,” paalala ng ina sa kanyang nag-iisang anak.
Tahimik lang si Juan sa tuwing pinagsasabihan siya ng nanay niya. Palilipasin niya lang ang galit nito at maya-maya ay pupunta na naman sa tyangge ni Aling Yolly upang bumili ng mga chichirya.
“Pabili po, ito po apat na pakete po at saka anim nitong kendi,” sabi ni Juan sa nagtitinda.
“Naku Juan halos tatlong beses sa isang araw ka bumibili ng mga ito ah. Marami ba kayo sa bahay ang paborito ito?” tanong ng matanda.
Pasimple lang sinabi ni Juan na talagang paborito niya lang ang kumain ng mga chichirya na iyon. Minsan, kung walang tinda si Aling Yolly ng ganung mga chichirya ay pumupunta talaga siya sa palengke upang bumili.
Isang araw, biglang sumakit ang tiyan ni Juan kaya hindi siya nakapasok. Sobrang nag-alala si Aling Meding at dinala agad ang anak sa doktor upang matignan siya.
“Ililista ko na lang po dito ang gamot na ipapainum kay Juan at saka iwasan na rin po ang pagpapakain sa kanya ng mga pagkaing hindi mabuti sa katawan,” sabi ng doktor.
Bago umuwi sina Juan ay binili muna nila ang mga gamot na inireseta ng doktor. Pinagkasya na lang ni Aling Meding ang natitirang pera niya sa gamot ng anak at sa ulam nila.
Kinabukasan, pumunta na naman si Juan sa tindahan ni Aling Yolly nang bumuti-buti na ang pakiramdam niya. Bumili na naman siya ng mga paboritong niyang chichirya.
Isang linggo mula noong pumunta sila ng doktor ay sumakit ulit ang tiyan ni Juan. Halos hindi na siya makatayo sa sobrang sakit nito. Kabadong-kabado si Aling Meding sa nararamdaman ng anak.
Kahit walang pera ay dinala agad ng ina ang anak niya sa ospital. Tiningnan siya ng doktor at ipinasailalim rin sa iba’t ibang pagsusuri. Ayon sa doktor, kailangan ni Juan na maoperahan.
Malaki ang pera na kakailanganin para sa kanyang operasyon kung kaya’t nangutang si Aling Meding sa mga kapwa tindera nito at sa kanilang mga kamag-anak.
BASAHIN RIN: Si Bb. Lucia At Ang Mga Mag-aaral Ng Klase Sampaguita
Ilang gabi ring gumigising si Juan at nakikita na umiiyak ang ina niya sa mga problema nito sa pagpapagamot sa kanya. Sising-sisi ang bata sa hindi pakikinig sa payo ng doktor.
“Kung sana itinulong ko na lang kay nanay yung pera na ibinibili ko ng chichirya ay mas lalo pang gumaan ang pakiramdam ni inay,” napaisip si Juan.
Sa tulong ng kanilang mga kamag-anak at mga kakilala ng ina niya, naoperahan si Juan. Kahit lubog sa utang, masayang-masaya si Aling Meding na mabuti na ulit ang kalagayan ng anak.
Simula noon, hindi na ulit pumupunta si Juan sa tyangge ni Aling Yolly o di kaya’y sa palengke upang bumili ng chichirya. Imbes na hindi masusustansyang pagkain ang binibili niya nang ipon niya, bumibili na lang siya ng ulam nila sa bahay.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Iwasan ang pagkain o pag-inom ng mga hindi nakakabuti sa katawan
- Makinig sa payo ng doktor
- Pahalagahan ang kalusugan
- Nasa huli palagi ang pagsisisi
BASAHIN RIN: Halimbawa Ng Maikling Kwento