Ang Maikling Kwento Tungkol sa Lumang Tren sa Purok Mahinahon
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol sa lumang tren sa Purok Mahinahon.
“Ang Lumang Tren Sa Purok Mahinahon”
Kabaliktaran ng pangalan ng Purok Mahinahon ang mga tao na nakatira doon. Palaging may nagsisigawan lalong-lalo na sa tuwing may nag-iinuman at may mga asawang sumusundo dahil hatinggabi na.
Matagal ng nakatira sa purok na iyon ang pamilya ni Camilo. Ang Tatay Tonyo niya, Nanay Lusing, at Ate Crisa ang kasama niya sa maliit nilang bahay na malapit sa lumang tren.
Tanyag sa buong Purok Mahinahon ang lumang tren na iyon. Alam na alam ng mga nakatira doon na marami ang namatay noong na-aksidente ito roon at kabilang na doon ang kapitan noon ng Purok na si Kapitan Rogelio.
Matagal na simula noong nangyari ang insidente pero hindi pa rin natukoy kung bakit nangyari iyon. Naganap ang aksidente sa gitna ng labanan ng mga tao ng Purok at ng mga taga munisipyo.
Nais noon kunin ng mga taga munisipyo ang lupain sapagkat gagamitin ito sa komersyo. Nanindigan ang mga taga Purok Mahinahon na hindi sila pwedeng paalisin dahil matagal na sila doon.
Isang araw, nabigla na lang ang mga tao noong nabalitaan nila na nakikipag-pulong ang kapitan nilang si Rogelio sa mga opisyales ng munisipyo at pumayag na raw ito. Kumalat ang sabi-sabi na binayaran raw nila ang kapitan.
Isang gabi, inutusan ni Mang Tonyo si Camilo na kunin ang naiwan niyang balde malapit sa lumang tren. Agad namang umalis ang bata. Habang papalapit na siya sa tren, may narinig siyang nag-uusap.
“Sa susunod na araw may mga pupunta raw dito ulit at mag-iimbestiga. Siguraduhin niyong walang magsasalita,” sabi ng isa sa mga nag-uusap sa loob ng lumang tren.
Boses pa lang ay kilala na ni Camilo na ang kanyang Ninong Sebastian ang isa sa mga nandoon sa loob ng tren. Hindi pa rin siya maka paniwala sa mga narinig niya. Pagbalik niya sa bahay nila, tinanong niya ang ama niya tungkol rito.
“Tay, ano po ba talaga ang nangyari at bakit na-aksidente ang tren na sakay ni Kapitan Rogelio? Dito pa sa atin nangyari,” sambit ng inosenteng bata.
Nabigla si Mang Tonyo sa tanong ni Camilo sa kanya. Bago pa siya naka-iwas sa tanong ng anak, ipinagtapat ng bata ang narinig niya na siya namang nakapagpa-amin sa ama.
“Papaalisin sana tayo ng mga taga munisipyo sa lugar natin. Maraming pamilya ang mawawalan ng tahanan at sabi-sabi na pumayag si Kapitan Rogelio kapalit ng malaking halaga na ibabayad sa kanya.
Nagalit ang mga tao at nagpulong-pulong. Pinagplanuhan na maghihiganti sa kapitan. Hindi ko naman alam na ganun pala ka-lala ang mangyayari anak,” pagpapaliwanag ng ama ng bata.
Nabigla ang bata sa mga narinig niya ngunit malinaw sa kanya na pumayag ang ama niya sa paghihiganti sa Kapitan.
BASAHIN RIN: Si Julio At Ang Sapatero Sa Kanto
Noong gabing iyon, bumabalik sa isipan ni Camilo ang mukha ni Leida, anak ng kapitan, habang nasa sahig ito umiiyak sa harap ng bankay ng kapitan. Awang-awa siya sa kaibigan ngunit ang pagkaka-alam niya noon ay aksidente lang ang nangyari.
Lumipas ang dalawang araw na balisa si Camilo at dumating na ang mga mag-iimbestiga sa nangyari sa lumang tren. Halos lahat ng mga taga Purok Mahinahon ay pinaninindigan na aksidente iyon at walang may pakana.
Noong pumasok ang isa sa mga imbestigador sa bahay nina Camilo, nakaramdam ng takot si Mang Tonyo at baka magsalita ang anak. Ipina-akyat niya ito sa silid nila para masigurado na hindi siya magsusumbong.
Umiiyak si Camilo habang dinig-na-dinig ang pagsisinungaling ng ama sa imbestigador. Ang Nanay Lusing ay naninindigan rin na walang alam sa nangyari. Umalis ang imbestigador ng walang tamang impormasyon na nakuha.
Pagkalipas ng isang linggo, nabigla si Camilo noong makita niyang paparating ang pamilya ng namayapang kapitan. Binisita nila ang tren at nandoon si Leida. Lumapit siya kay Camilo at kinumusta ito.
Pagkatapos ng sandaling pagkukumustahan, nagpasya ng umalis si Leida. Pinigilan siya ni Camilo at tinanong kung pwede silang mag-usap sandali.
“Sinubukan ko dahil mahal na mahal ko ang mga magulang ko pero hindi na kaya ng konsensya ko. Alam ko na ang nangyari na tumapos sa buhay ni Kapitan Rogelio. Pinagplanuhan ng mga taga rito na mangyari ang insidente na iyon,” pag-amin ng bata.
Nagulat si Leida sa mga narinig niya at biglang napaiyak ng malakas. Nilapitan siya ng mama at kuya niya at agad-na-agad niyang sinabi ang mga ipinagtapat ni Camilo. Nakaramdam na ng kaba ang bata sa ginawa niya.
“Walang bayad na tinanggap si Rogelio mula sa munisipyo. Pumunta siya sa pulong upang makipag-usap na wala sanang masasaktan ni isa sa mga residente ng Purok sa gitna ng mga hindi pagkaka-unawaan,” sabi ng mama ni Leida habang umiiyak.
Kinabukasan, may dumating na mga pulis sa Purok Mahinahon. Hinanap nila agad-agad si Camilo at marami rin silang inanyayahan sa presinto kabilang na sina Mang Tonyo, Aling Lusing, at Mang Sebastian.
Hindi maikakaila na hiya ang nararamdaman ng mga magulang ni Camilo. Humingi naman ng patawad ng bata. Ipinaliwanag ni Aling Lusing sa anak niya na wala itong kasalanan at naiintindihan nila ang ginawa nitong pag-amin.
Marami sa mga taga Purok Mahinahon ang nakulong ngunit hindi kabilang ang mga magulang ni Camilo. Lumabas sa imbestigasyon na hindi talaga nila alam na ganun yung mangyayari dahil akala nila ay mag-aaklas lang laban kay Kapitan Rogelio.
Lubos ang pasasalamat ng pamilya ng namayapang kapitan kay Camilo. Dahil sa kanyang pagtatapat, nabigyan na rin nila ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Huwag agad-agad maniwala sa mga sabi-sabi
- Pahalagahan ang pagsasabi ng katotohanan
- Idaan sa mapayapang pag-uusap o legal na proseso ang paglutas ng hindi pagkakaunawaan
- Maging mabuting halimbawa sa mga kabataan
Iba pang mga maikling kwento:
- Si Baste At Ang Aso Niyang Si Pancho
- Si Juan Na Laging Wala Sa Klase
- Si Amboy At Ang Saranggola Na ‘Di Marunong Lumipad
- Si Pepe At Ang Bato Ni Lola Pacing
- Ang Babaeng Nakadungaw Sa Malaking Bintana
- Ang 12 Kahilingan ni Benny sa Pasko
- Si Alas At Ang Ginintuan Niyang Puso
- Ang Agila at ang Itim na Sisiw ni Jose