Ang Maikling Kwento Tungkol kay Julio at sa Sapatero sa Kanto
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Julio at sa sapatero sa kanto.
“Si Julio At Ang Sapatero Sa Kanto”
Araw-araw, masayang naglalaro sa kalsada sa may Kalye Distrito ang batang si Julio. Anak siya ni Aling Nena na nagtitinda ng mga kakanin sa palengke. Dalawa silang magkapatid ng kuya niyang si Dante.
Magkapatid sa ina sina Dante at Julio ngunit buong kapatid ang turing nila sa isa’t isa. Namatay ang tatay ni Dante noon at ni minsan naman ay hindi nagkwento si Aling Nena tungkol sa ama ni Julio. Bata pa raw ito para malaman ang tungkol sa ama niya.
Isang araw, habang naglalaro sina Julio at Dante kasama ng kanilang mga kaibigan, pumunta sa may kanto yung bolang nilalaro nila. Hinabol ito ni Julio at doon niya napansin na may matandang sapatero pala sa kanto.
Tinanong ni Julio ang kuya niya tungkol sa sapatero. Noong una, mukhang nagulat ito ngunit sinabi na lang sa kanya na huwag ng pansinin iyon.
“Sapatero? Ahh… ‘Di ko alam kung sino iyan. Hayaan mo na, pasa mo na yung bola,” sagot ni Dante sa bunsong kapatid.
Nagpatuloy na sila sa paglalaro ngunit hindi maikakaila na talagang may kakaibang nararamdaman si Julio. Gusto niya talagang malaman kung sino yung sapatero sa kanto at mukhang hindi siya taga Distrito.
“Ang tanda na niya nagtatrabaho pa rin siya,” sabi ni Julio sa sarili.
BASAHIN RIN: Tagalog Short Stories: 5 Maikling Kwento Para Sa Mga Bata
Dumilim na at ipinapasok na ni Aling Nena sa bahay nila ang magkapatid. Bago tumuloy sa bahay nila, nilingon pa ni Julio ang sapatero. Nahuli niya itong nakatingin sa kanila.
Kinabukasan, sumama si Julio sa palengke sapagkat may pasok ang kuya Dante niya. Sumakay sila ng nanay niya sa pedikab at dumaan ito sa kanto kung saan nandoon na naman ang matandang sapatero naka puwesto.
Hindi umimik si Julio ngunit napansin niyang naiwang ang tingin ng nanay niya sa matandang sapatero.
“Bakit po inay? Kilala niyo po siya,” tanong ng bata sa ina niya.
Hindi nakasagot agad si Aling Nena. Tiningnan niya muna si Julio bago nasambit ang mga salitang, “hindi ko siya kilala”. Pagdating nila ng palengke, wala pang dalawang oras ay ubos na ang paninda ng nanay niya kaya nakauwi sila agad.
Sinundo nila si Dante sa paaralan bago umuwi. Pagdating nila sa bahay nila, pumasok na sila agad ay binilin ng nanay niya na huwag na silang maglalaro sa labas. Pagpasok ng dalawang bata, bumalik sa labas si Aling Nena.
Napansin ito ni Julio at lumabas rin siya upang tingnan kung saan pumunta ang nanay niya. Sinundan niya ito ng patago noong makitang lumapit sa matandang sapatero ang ina niya.
“Bakit ka nandito? Hindi ka niya kilala at wala akong balak na ipakilala ka sa kanya. Ang kapal rin ng mukha mo para pumunta pa rito,” sabi ni Aling Nena sa sapatero na dinig-na-dinig ni Julio.
“Nais ko lamang siyang makita. Gusto ko sana siyang makilala pero alam kong ayaw mo kaya dito lang ako sa malayo. Patawad sa lahat, lubos kong ipinagsisihan ang mga nagawa ko,” sagot ng sapatero kay Aling Nena.
Pag-uwi ni Aling Nena sa bahay nila, lumapit sa kanya si Julio at niyakap siya.
“Siya po ba ang tatay ko nay? Ang matandang sapatero sa may kanto?” tanong ng inosenteng bata sa nanay niya.
“Ha? Ba’t mo natanong? Hindi,” sagot ni Aling Nena.
Ipinagtapat ni Julio sa nanay niya na nalaman niya ang pinag-usapan nila ng sapatero. Nagulat si Aling Nena at kahit nauutal, ipinaliwanag niya sa anak niya ang katotohanan.
“Papapatawarin mo ako anak. Hindi ko sinasadyang itago sa iyo na iniwan tayo ng tatay mo habang ipinagbubuntis kita. Hindi ko alam may ibang pamilya pala siya,” paglalahad ng umiiyak na ina.
Ipinaliwanag ni Aling Nena sa anak na ayaw niyang malaman nito na isa siyang anak siya labas sapagkat mahal na mahal niya ito. Ipinagtapat rin niya na galit na galit pa rin siya sa tatay ni Julio.
“Kaya pala lumaki akong walang ama dahil iniwan niya pala tayo. Pero siya pa rin po ang tatay ko inay at nais ko siyang makilala,” sabi ng bata sa nanay niya.
Umiyak si Aling Nena at niyakap na lang ng anak. Sinabihan niya si Julio na bukas ay dadalhin niya ito sa nanay niya.
Kumain na sila at natulog ngunit bago pa man tuluyang nakatulog ang ina ng dalawang bata, napaiyak siya habang iniisip kung gaano kalaki ang puso ng anak niya. Bakas sa mga mata ng bata na hindi ito nagalit sa ama niya.
Kinabukasan, dinala ni Aling Nena sa sapatero ang bunso niya at ipinakilala na niya si Mang Jose kay Julio. Niyakap ng matanda ang anak niya habang umiiyak at humihingi ng kapatawaran. Patuloy rin siya sa paghingi ng patawad sa ina ng bata.
Simula noon, araw-araw nang nakakadalaw ang sapatero sa bahay nina Julio. Kahit sa labas lang sila hinahayaang mag-usap noong una, unti-unti ay lumambot rin ang puso ni Aling Nena.
“Pasok ka rito at kumain ka muna, gutom na rin iyang si Julio sa kakalaro diyan sa labas,” pagyaya niya sa sapatero isang hapon.
Nagpatuloy ang magandang relasyon sa pagitan nina Julio at ng ama niya. Ni minsan ay hindi siya sinumbatan ng bata sa pag-iwang niya sa kanila.
Sa nakikita ni Aling Nena sa anak niya, natutunan niya ring patawarin ang ama nito at subukang maging magkaibigan silang muli.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Maging tapat sa mga taong nakakasalamuha mo sa buhay
- Maging mapagpatawad at huwag magtanim ng sama ng loob sa ibang tao
- Ang katotohanan ay lalabas at lalabas kahit anong tago mo rito
- Bigyan ng pagkakataon ang ibang tao na itama ang mali nila
Iba pang mga maikling kwento:
- Si Baste At Ang Aso Niyang Si Pancho
- Si Juan Na Laging Wala Sa Klase
- Si Amboy At Ang Saranggola Na ‘Di Marunong Lumipad
- Si Pepe At Ang Bato Ni Lola Pacing
- Ang Babaeng Nakadungaw Sa Malaking Bintana
- Ang 12 Kahilingan ni Benny sa Pasko
- Si Alas At Ang Ginintuan Niyang Puso
- Ang Agila at ang Itim na Sisiw ni Jose
1.Mag patawad at wag tumanim ng galit sa kapwa
2. Maging mabuting anak
3. Kahit bata pa ang anak kailangan sabihin ang totoo at ipahintindi ng tama sa bata
4.kahit maraming pag kukulang ang magulang nya nakuha nya paring patawarin ito.