Ang Maikling Kwento Tungkol kay Alas at sa Ginintuan Niyang Puso
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Alas at sa ginintuan niyang puso.
“Si Alas At Ang Ginintuan Niyang Puso”
Matagal nang magkaibigan sina Alas at Diego. Magkababata silang lumaki sa Barangay Inocencio at pareho nang nasa ika-tatlong taon na nila sa sekondarya ngayon.
Sa kabila ng hindi pagkakasundo ng kanilang mga magulang, nanatili ang matatag na samahan sa pagitan ng dalawang bata. Para na silang magkapatid dahil sabay silang lumaki at magkasama rin sa halos lahat ng bagay.
Ang ama ni Alas at ang ama ni Diego ay palaging magkalaban sa ano mang posisyon sa Barangay nila. Noong nakaraang taon, natalo ng ama ni Alas ang ama ni Diego sa pagiging kapitan.
Isang araw, nagpaalam si Diego sa tatay niya na lalabas sila ni Alas at maglalaro ng basketbol. Nasa pintuan na si Alas at hinihintay niyang lumabas si Diego. Dinig-na-dinig niya ang sabi ni Mang Carding.
“Aalis ka na naman kasama ang anak ng mandaraya? Dinaya nila ako sa eleksyon tapos okay lang sa’yo. Umalis ka kung gusto mo,” sabi ng ama ni Diego.
Nagpaalam si Diego sa nanay niya at pinayagan siya nito kung kaya’t umalis siya. Naglaro sila at nabilang sa magkalaban na koponan. Sa kalagitnaan ng laro, hindi sinasadyang natulak ni Alas si Diego.
“Pasensya tol hindi ko sinasadya,” agad na paghingi ni Alas ng paumanhin sa kaibigan.
Tumayo si Diego pero halatang napikon ito sa nangyari. Makaka-iskor na sana ang koponan nila. Natalo sila sa koponan nina Alas.
“Kung ‘di ka sana tinulak ni Alas tol panalo sana tayo. I-uuwi sana natin ang P3000 na panalo,” sabi ng isa sa mga kasama ni Diego sa koponan niya.
Kinabukasan, naglaro ulit sila at panalo na naman sina Alas. Noong pauwi na sila, hindi sumabay si Diego kay Alas.
“Mauna ka na may pupuntahan pa kami nina Alex,” sabi ng binata na parang umiiwas sa tingin ng kaibigan niya.
Umuwi si Alas ng mag-isa at habang siya ay naglalakad sa madilim na parte ng eskinita, may biglang humatak sa kanya at tinakpan ang mga mata niya. Sinaktan ang binata at iniwang namamalipit sa sakit.
Kinabukasan, himalang maaga pa pumunta si Diego kina Alas at nagdala ng makakain. Nagtaka ang kaibigan niya kung paano nito nalaman ang nangyari sa kanya, e, wala namang nakakita.
Habang kumakain ang magkaibigan, napansin ni Alas ang sugat sa kanang kamay ni Diego. Katulad ito ng sugat sa kamay ng taong humatak sa kanya bago takpan yung mga mata niya. Tinanong niya ang kaibigan kung napano ang kamay nito.
“Ah wala. Sa babasketbol natin ito, ang haba kasi ng kuko ni Mike,” pagdadahilan ni Diego na parang na-uutal.
Pinalampas ito ni Alas. Isang araw, habang naglalakad pauwi si Alas, may nakita siyang grupo ng kabataan sa may kanto at may ginagawa sila. Katulad ito ng ginawa sa kanya.
BASAHIN RIN: Tagalog Short Stories: 5 Kwento Para Sa Mga Bata
Laking-gulat ni Alas noong makita na si Diego pala ang sinasaktan nila. Sumigaw siya habang papalapit sa grupo ng kabataan.
“Hayaan mo ‘to Alas. Ikaw nga nagawa niyang saktan, may sinisingil lang kami sa kanya hayaan mo siya,” sabi ni Poy.
Lumapit pa rin si Alas at habang papalapit siya ay tine-text nya sa bulsa niya ang papa niya kung nasaan sila. Nagtangkang umalis ang grupo nina Poy at bago sila umalis ay hinagis pa nila ng kahoy sa batok si Alas.
Agad-agad na dumating ang mga barangay tanod at nahuli ang grupo nina Poy. Sina Diego at Alas naman ay dinala sa klinika sa barangay upang magamot.
“Patawad tol at salamat. Kahit alam mo ang ginawa namin sa iyo, hindi ka pa rin nagdalawang-isip na tulungan ako. Hindi talaga kinakalawang ang ginintuan mong puso,” sabi ni Diego sa kaibigan.
“Kalimutan mo na iyon tol. Halos kapatid na ang turing ko sa’yo at hindi ko makakayang pabayaan ka lalong-lalo na sa mga oras na kailangan mo ang tulong ko,” sagot ni Alas.
Simula noon, palagi na uling magkasama sina Diego at Alas. Sising-sisi si Diego na nagpadala siya sa mga masamang payo ng mga kasama niya sa basketbol.
Napagtanto niya na palagi man silang magkalaban ni Alas sa laro, sa totoong buhay naman ay lagi niyang kakampi ito.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Huwag magtanim ng galit sa kapwa
- Maging isang tapat na kaibigan
- Huwag magpapadala sa mga masamang payo ng ibang tao
Iba pang mga maikling kwento: