Ang Maikling Kwento Tungkol sa Babaeng Nakadungaw sa Malaking Bintana
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol kay Teodora, ang babeng palaging nakadungaw sa malaking bintana.
“Ang Babaeng Nakadungaw Sa Malaking Bintana”
Sa probinsya ng Silabay, may isang baryo kung saan halos lahat ng nakatira doon ay mga masasayahing tao – maliban sa isang babaeng palaging nakadungaw sa malaking bintana.
Ang babaeng ito ay walang iba kundi si Teodora, 38 taong gulang at dating tindera sa maliit na palengke sa baryo. Alam na alam ng lahat ng nakatira sa baryo ang kwento ni Teodora.
Isang masayahing dalagita si Teodora noon. Kilalang-kilala ang pamilya nila. Nag-iisang anak siya ng mag-asawang sina Mang Isko at Aling Pilar na kapwa tindero rin sa palengke. Simple lang kanilang pamumuhay ngunit masaya sila.
Hindi masyadong malaki ang bahay nina Teodora pero masasabing komportable naman sila rito. Pinaka-paboritong parte niya ng bahay nila ang lugar na may malaking bintana. Marami siyang masasayang alaala doon.
Sa malaking bintanang iyon nakita ni Teodorang haranahin ng ama niya ang kanyang ina sa kaarawan nito. Doon rin sila palaging naka dungaw habang tinitingnan ang buwan at mga bituin sa gabi. Paborito niyang gawin iyon.
BASAHIN RIN: Ang Bahay Na Bigla Na Lang Nawala Isang Gabi
Nagpatuloy iyon hanggang nagdalaga na si Teodora. Subalit, noong nagdadalaga na siya, medyo umiiba na ang mga kilos nito. Unti-unti na siyang natutulad na siya sa mga kaibigan niyang walang paggalang sa kani-kanilang mga magulang.
“Bawas-bawasan mo nga yang pagsama kina Antonia anak, mukhang hindi mo na kami sinusunod ng tatay mo,” paalala ni Aling Pilar sa anak.
Hindi tumugon si Teodora. Patuloy pa rin siya sa pag empake ng mga dadalhin niya. Aalis siya kahit hindi payag ang mga magulang niya pumunta sila sa pista sa baryo na pinaka-malapit sa bayan.
Walang nagawa sina Mang Isko at Aling Pilar. Hindi talaga papipigil si Teodora. Ang tanging ginawa na lang ng ama niya ay sundan siya at ang mga kaibigan niya upang masiguradong ligtas silang nakarating ng sakayan.
Kinabukasan, hindi pa rin nakauwi si Teodora at ang mga kaibigan niya. Umalis na sina Mang Isko at Aling Pilar upang pumunta sa kabilang baryo at sunduin siya. Subalit, nagulat ang mag-asawa sa nadatnan nila.
Wala roon si Teodora at mga kaibigan niya. Sabi ng isa sa mga taga roon, huling nakita ang magkakaibigan nakakipag-inuman kasama ang mga binata mula sa bayan.
Nakita raw nila ang mga kaibigan ni Teodora na sumakay pauwi kinaumagahan pero hindi raw sumama ang magandang dalagita.
Hinanap pa rin ng mag-asawa ang nag-iisa nilang anak. Buong araw silang naglilibot sa mga baryo-baryo ngunit hindi nila nakita si Teodora.
Noong dumating sila sa sakayan, sinabihan sila ng isang drayber na nakauwi na si Teodora at may naghatid pa na sasakyan sa dalaga. Nagtataka ang mag-asawa kung bakit ganun-ganon na lang magpahatid ang anak nila sa bagong kakilala.
Pagdating nila sa bahay, laking gulat na lang ng mag-asawa na madatnan ang anak na mukhang nanghihina.
“Anak, anong nangyari sa ‘yo? Sino ang naghatid raw sa’yo rito?” tanong ni Aling Pilar sa dalagitang nakahiga lang sa kama.
“Kulang lang sa tulog ito inay. Isang lalakeng nakilala ko doon sa pista,” sagot ni Teodora bago ito pumikit ulit bago pa pumatak ang luha mula sa mga mata niya.
Simula noon, mas malaki ang naging pagbabago kay Teodora. Naging masungit na siya, minsan biglaang umiyak ngunit hindi nagsasabi kung bakit hanggang nalaman na ng mga magulang niya kung ano talaga ang nangyari.
Unti-unting lumaki ang tiyan ng dalaga. Ginawan siya ng masama ng lalakeng inakala niya’s mabuting kaibigan at nabuntis siya.
Hindi iyon masabi-sabi ni Teodora sa mga magulang niya dahil wala siyang masyadong maisasagot sa mga katanungan nila kung saka-sakali. Ni hindi nga niya alam kung taga saan talaga ang lalakeng iyon.
Noong nalaman ito nina Mang Isko at Aling Pilar, galit na pumunta ang ama ni Teodora sa baryo kung saan nangyari iyon sa kanilang anak. Ngunit bigo siyang makahanap ng kakilala ng lalakeng nakabuntis sa anak niya.
“Maraming taga bayan na pumupunta rito tuwing pista kahit wala naman silang kakilala,” sabi ng isang taga roon.
Mas lalong nag-iba si Teodora. Malimit na siyang magsalita hanggang sa dumating ang araw na manganganak na siya. Isang batang lalake ang isinilang ng dalaga ngunit, dalawang araw simula noong manganak siya, namatay ang bata.
Labis na ikinalungkot iyon ni Teodora pati na rin ng mga magulang niya. Simula noon, hindi na siya nagsasalita at palaging naka dungaw sa malaking bintana nila. Parang may tinitignan sa malayo pero wala naman.
Kahit labis ang lungkot at sakit na nararamdaman ng mag-asawa dahil sa nangyari sa kanilang nag-iisang anak, nagpatuloy sa buhay sina Mang Isko at Aling Pilar. Alam nilang kailangang-kailangan sila ng nag-iisa nilang anak.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Huwag suwayin ang payo ng iyong mga magulang lalong-lalo na kung para sa kapakanan mo ito
- Palaging mag-iingat sa mga bagong kakilala at huwag basta-bastang magtiwala
- Piliin ang iyong kakaibiganin at huwag magpadala sa mga masamang impluwensya
- Galangin ang mga magulang
- Magpatuloy sa buhay gaano man ka hirap
Iba pang mga maikling kwento: