Maikling Kwento Tungkol kay Amboy at sa Saranggola na Hindi Marunong Lumipad
MAIKLING KWENTO – Narito ang maikling kwento tungkol kay Amboy at sa saranggola niyang hindi marunong lumpipad.
“Si Amboy at Ang Saranggola Na ‘Di Marunong Lumipad”
Sa probinsya ng Tipayao, maraming bata ang mahilig magpalipad ng saranggola tuwing hapon. Isa na doon si Amboy, anak ng mag-asawang mangingisda na sina Mang Pedro at Aling Susan.
May tatlong nakakatandang kapatid si Amboy – ang kanyang Kuya Tonyo, Kuya Abel, at Ate Susie. Subalit, parehas na may kanya-kanyang pamilya ang mga kapatid ng dalawang-taong gulang na bata kung kaya’t bumukod na ang mga ito.
Dahil abala rin sina Mang Pedro at Aling Susan sa pangingisda, kadalasan, nag-iisa si Amboy at naglalaro ng saranggola na ‘di maka lipad-lipad. Dahil dito, palagi siyang tinatawanan ng mga kalaro niya.
“E, wala naman pala iyang saranggola mo Amboy, kasing bigat ng bato siguro iyan,” sabi ng kalaro niyang si Lito.
Sa kabila ng mga kantyaw ng mga kalaro niya, patuloy pa ring sinusubukan ni Amboy na paliparin ang saranggola niya. Ginawan niya ng bagong paripa ang laruan niya at pinalitan niya rin ang pabalat nito.
Kinabukasan, sinubukan ulit ni Amboy na paliparin ang saranggola niya. Ngunit, sadyang hindi pa rin ito lumipad at sumabay sa ihip ng hangin gaano man kalakas.
Habang ang bata ay patuloy na sinusubukan paliparin ang laruan niya, ang iba niyang kalaro ay masaya nang tumatakbo bitbit ang tali ng mga saranggola nilang lumilipad sa himpapawid.
Hindi pa rin sumuko si Amboy. Pag-uwi niya, naghanap siya ng kawayan at gumawa siya ng bagong sumba. Nadatnan siya ng ama niyang inaayos ang saranggola niya.
“Halika ka nga rito, dalhin mo ‘yan rito,” sabi ni Mang Pedro sa anak niya.
Inayos ng ama ang saranggola ng anak niya. Bakas naman sa mga mata ni Amboy ang kasiyahan na makitang inaayos ng tatay niya ang laruan niya. Pagkatapos noon, dali-dali siyang pumunta sa bakuran nila at sinubukan ito.
“Tay, lumilipad na siya! Ang galing niyo po,” sigaw ni Amboy habang mangha-mangha sa paglipad ng saranggola niya.
Napa-iyak si Mang Pedro sa narinig mula sa anak niya. Nakita niya kung gaano kasaya si Amboy. Doon siya nakaramdam ng awa sa bunso niya na parang lahat sila ay wala nang oras para sa kanya.
Simula noon, umuuwi na ng maaga sina Mang Pedro at Aling Susan. Habang naghahanda ng hapunan nila si Aling Susan, ang asawa at bunso niyang anak ay magkasama sa pagpapalipad ng saranggola.
“Salamat tay, kung ‘di dahil sa iyo, hanggang ngayon ‘di lumilipad ang saranggola ko. Salamat at palagi na rin kayong umuuwi ng maaga ni Nanay,” sabi ni Amboy sa ama niya habang naglalakad sila pauwi.
Ngumiti na lamang ang mangingisda sa sinabi ng anak niya. Sa isip niya, napagtanto niya na ang isang bata ay para ring saranggola. Iba pa rin pag-inaalalayan ng mga magulang sa paglipad at pag-abot ng nais niyang marating.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Huwag tayong susuko sa mga bagay na pwedeng mangyari
- Maglaan tayo ng oras para sa pamilya
- Kailangan ng mga anak ang gabay ng mga magulang
- Maging masaya kahit sa simple at mga maliliit na bagay
Iba pang mga maikling kwento: