Maikling Kwento Tungkol Kay Pepe at sa Bato ni Lola Pacing
MAIKLING KWENTO – Narito ang kwento tungkol kay Pepe at sa bato ni Lola Pacing.
“Si Pepe at ang Bato ni Lola Pacing”
Nasa ikatlong baitang si Pepe noong lumipat sila ng lola niya sa probinsya ng Habajan. Ito’y pagkatapos kinuha na ng may-ari ang lupain kung saan dati silang nakatira ng kanyang Lola Pacing.
Ulila na sa ama at ina si Pepe. Bata pa lamang siya noong namatay ang kanyang ina. Sinundan naman ito ng pagkamatay ng kanyang ama pagkalipas ng isang taon kung kaya’t laking lola talaga ang bata na ito.
Subalit, hindi maikakaila na sabik sa pagmamahal ng ibang tao si Pepe. Tanging si Lola Pacing lang kasi ang nagpakita ng pagmamahal sa iya. Yung iba, kinukutya pa yung itsura niya, ang malaking nunal sa ilong niya.
“Pepe pangit labas ka diyan laro kayo ng mga kalabaw sa sapa,” sigaw ni Fredo, isa sa mga pangunahing nangungutya sa apo ni Lola Pacing.
Halatang nagagalit na si Pepe minsan. Parang akmang iiyak siya o lalabas at papatikimin si Fredo sa mukha.
“Huwag kang lumabas, batuhin mo siya mula rito sa loob,” payo ni Lola Pacing kay Pepe.
Nagulat si Pepe sa sinabi ng lola niya. Tinanong niya ulit ito kung pwede lang ba na batuhin si Fredo at ang mga kaibigan nito.
“Pwede mo silang batuhin basta pandesal lang iyong ibato mo,” pagdudugtong ng kanyang lola sabay ngiti.
BASAHIN RIN: Ang “Aswang” Sa Baryo Dekada Sitenta
Sinunod ni Pepe ang payo ng lola niya. Kinuha niya yung tatlong pandesal sa mesa nila at ibinato kina Pepe at mga kaibigan niya.
“Aray! Ba’t mo kami bina… Pandesal pala ‘kala ko bato. Sabi ko na nga ba hindi ka lang pangit, duwag ka pa,” sigaw ni Fredo habang nginunguya ang pandesal.
Araw-araw bumabalik sina Fredo at mga kaibigan niya sa bahay nina Pepe at Lola Pacing. Araw-araw din silang binabato ng pandesal na siyang nagiging agahan nila.
“Lola mukha naman pong ayaw talaga nina Fredo at ng mga kaibigan niya na tumigil sa pangungutya sa akin,” sabi ni Pepe sa lola niya isang gabi.
“Huwag kang mag-alala apo, matatauhan rin ang mga iyan at titigil rin o kakaibiganin ka. Basta pangako mo sa akin, kahit anong mangyari, hindi ka mananakit ng kapwa,” paalala ni Lola Pacing sa apo niya.
Isang araw, habang sumisigaw ang grupo nina Fredo sa labas ng bahay nina Pepe, nakita nang isang grupo rin ng kabataan na binato sila ng pandesal. Ang grupo na iyon ay siya ring kinakatakutan ng grupo nina Fredo.
“Hoy Fredo, ang sama niyo talaga. Kayo na nga ‘tong binibigyan ng pagkain, inaaway niyo pa siya. Kung ganyan rin lang ang gagawin sa taong walang kasalanan sa inyo, huwag na kayong pumunta rito,” pagalit na sabi ni Kulas kay Fredo.
Nakaramdan ng takot at hiya si Fredo at ang mga kaibigan niya. Naalala nila yung mga panahon na ipinagtanggol rin sila ng grupo ni Kulas sang ibang mga tao.
“Patawad Kulas, simula ngayon, hindi na namin aawayin si Pepe,” sambit ni Fredo.
Isang araw, nagulat na lang si Pepe na lumipas ang umaga ng walang sumisigaw at nangungutya sa kanya sa labas ng bahay nila. Sa ‘di inaasahan, may kumatok sa pintuan nila. Noong buksan, si Fredo pala at mga kaibigan niya.
“Patawad Pepe sa mga kasalanan namin sa ‘yo. Ngayon kami naman ang bumili ng pandesal para sa inyo ng lola mo. Tanggapin mo sana ito,” sabi ni Fredo.
Nagulat si Pepe sa ginawa ni Fredo at ng mga kaibigan niya ngunit masayang-masaya siya. Tinanggap niya at ito sa niyaya silang sumabay sa kanila ni Lola Pacing sa pagkain.
“Iba talaga ang bato ni Lola,” napa-isip ang batang walang mapagsidlan ng tuwa niya sa pagkakaroon ng mga kaibigan.
Ano ang masasabi mo sa maikling kwento na ito? Pwede mong ibahagi ang iyong reaksyon o ang aral na iyong natutunan mula sa maikling kwento sa pamamagitan ng komento.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
- Gumawa ng mabuti sa kapwa kahit na anong mangyari
- Sumunod sa payo ng mga nakakatanda
- Laging pahalagahan ang utang-na-loob sa mga taong tumulong sa iyo
- Huwag mawalan ng pag-asa
- Palaging piliin ang tama
Iba pang mga maikling kwento: