Tula – 10 Halimbawa Ng Mga Tulang Pilipino – Philnews

10 Na Mga Halimbawa Ng Tula – Tulang Pilipino

TULA – Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang iba’t ibang halimbawa ng mga tulang Pilipino.

Tula - 10 Halimbawa Ng Mga Tulang Pilipino - Philnews

Ang Tula o “poem” sa ingles ay isang uri sining o panitikan na kilala dahil sa malayang paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo.

Ito ay isang uri ng panitikan na nag bibigay diin sa ritmo at nag papahayag ng damdamin. Dahil dito, karaniwang makikita ang mga tula ukol sa pag-ibig.

Ito ang isang halimbawa ng tula na isinulat ni Jose Corazon De Jesus:

PAG-IBIG

Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!
Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,
tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;
pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo. . .  naglalaho,
layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.

Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,
parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
at ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.

Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.

Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,
tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan
iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!

Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.

Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag,
ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak.
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,
o wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!

“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay
minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.

Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid.
Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,
at ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!

Jose Corazon De Jesus

Bayan Ko

Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig na sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!

Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya.

Jose Corazon De Jesus

MARUPOK

Kalapating puti sa gitna ng hardin,
Iginawa kita ng bahay na siím;
May dalawang latang palay at inumin,
Saka walong pinto sa apat na dingding.

Minsan kang nagutom at ako’y nalingat,
Oh, kalapati ko, bigla kang lumipad.
Sa nagdaang kawan sumama ka agad,
Ayaw mong mabasa ng luha ang pakpak.

Ikaw naman rosas, na mahal kong mahal,
Dinilig kita kung hapong malamlam;
Sa bawat umaga’y pinaaasuhan,
At inaalsan ko ng kusim sa tangkay.

Minsan lang, Nobyembre, nang di ka mamasid,
Nakaligtaan kong diligin kang saglit;
Aba, nang Disyembre, sa gitna ng lamig,
Sa mga tangkay mo’y nag-usli ang tinik.

Ang hardin ko ngayo’y ligid ng dalita,
Walang kalapati’t rosas man ay wala;
May basag na paso’t may bahay na sira,
At ang hardinero’y ang puso kong luksa.

Babae, hindi ka marapat lumiyag,
Napakarupok mo, maselan at duwag.
Sa Tabor ay walang tuhod na di gasgas,
Sa Glorya, anghel ma’y may sira ring pakpak.

Jose Corazon De Jesus

Ito naman ang mga halimbawa ng tula na isinulat ni Lope K. Santos ukol sa kabayanihan.

KABAYANIHAN

Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
na walang paupa sa hirap at pagod;
minsang sa anyaya, minsang kusang-loob,
pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.

Natatalastas mong sa iyong pananim
iba ang aani’t iba ang kakain;
datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
ang magpakasakit nang sa iba dahil.

Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay…
pinupuhunan mo at iniaalay,
kapagka ibig mong sa kaalipinan
ay makatubos ka ng aliping bayan.

Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,
sa turo mo’y naging mulat ang mulala,
tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
ang kamatayan mo ay buhay ng madla.

Tikis na nga lamang na ang mga tao’y
mapagwalang-turing sa mga tulong mo;
ang kadalasan pang iganti sa iyo
ay ang pagkalimot, kung di paglililo.

Lope K. Santos

Makabuhay

Lubid kang luntiang sa gubat nanggaling,
Sa bakod ng dampa’y naging salang baging…
Dahil sa dagta mong may pait na lihim,
Hayop man o tao’y takot kang sagiin.

May dala kang ditang kapait-paitan
Na kung lalasahi’y “kadalamhatian”…
Ngunit ang pait mo ay gamot kung minsan,
Sa maling akala’y diwang Makabuhay.

Sa maraming sakit, ikaw ay panlunas,
At sa tagabukid ay gamot sa sugat;
Sa bibig ng bata na sakim sa gatas,
Madalas kang gawing mabisang pang-awat.

Ang ingat mong dagtang simpait ng mira,
Pagsayad sa labi’y nangangaral tila:
“Sa tamis, ang bata kapag namihasa,
Munting kapaita’y mamalakhing dusa.”

Si Kristo sa Kurus, isang halimbawa,
Nang kanyang lagukin ang apdo at suka…
Ang taong masanay uminom ng luha,
Sa sangmundong dusa’y hindi nalulula.

Tula ni Nemesio E. Caravana

ANG BUTO NG ATIS

Minsa’y nakapulot ng buto ng atis
ang isang dalaga. Pagdating sa bahay
sinabi sa ina ang kanyang naisip —
buto’y itatanim at aalagaan.

“At ang punong-atis paglaki’t namunga,
bunga’y sa palengke agad kong dadalhin;
ang mapagbibilhan” anyang nakatawa
“ay ibibili ko ng hikaw at singsing.”

Pagalit ang inang sinugod ang anak,
kasabay ang bantang kinurot sa singit:
“Ipagpahiraman ang iyong alahas
at nang putukan ka sa akin ng lintik!”

Amado. V. Hernadez

Aking Ulap

Lunday ka ng aking sanlibong pangarap,
Sa dagat na langit ay lalayag-layag;
Sa lundo ng iyong dibdib na busilak,
May buhay ang aking nalantang bulaklak.

Kung nagduruyan ka sa rurok ng langit,
Kalaro ng aking mga panaginip,
Ang lupang tuntunga’y di na naiisip,
Nalilipat ako sa ibang daigdig.

Isakay mo ako, oh Ulap kong giliw,
Ibig kong mahagkan ang mga bituin;
Ang lihim ng araw at buwang maningning,
Ibig ko rin sanang malama’t malining.

R. Alejandro

Dugo at Laya

Tanging lalaki kang nagmahal sa bayan
Na ang sinandata’y panitik na tangan…
Nang ikaw’y barilin ng mga kaaway
Dugo mo ang siyang sa laya’y umilaw!

Sa dalawang mahal na laman ng isip,
Na Irog at Bayang kapwa mo inibig…
Bayan ang piniling mabigyan ng langit
Kahit ang puso mo ay sakdal ng hapis.

Namatay ka upang mabigyan ng laya
Ang sinilangan mo na lahi at lupa…
Sa tulog na isip ng liping mahina
Dugo mo ang siyang nagbigay ng diwa.

Nabubo sa lupa ang mahal mong dugo –
Ang galit ng bayan naman ay kumulo…
Kaya’t nang mabutas ang mahal mong bungo,
Ay laya ng lahi naman ang nabuo!

Nemesio E. Caravana

Inang Wika

DAYUHAN:
Kunin mo ang ibig kunin sa dampa ko,
Palay, bigas, lusong, at halong pambayó,
Kung inaakalang ililigaya mo,
Laban man sa puso’y handog ko sa iyo…

Anak ko ma’y hubdan ng suot na damit,
Sampun ng baro kong lampot at gulanit,
Ibibigay ko rin maluwag sa dibdib,
Kami ma’y lamunin ng init at lamig…

Datapwa’t huwag mong biruin si Ina!
Huwag mong isiping sapagka’t api na,
Ang Ina ko’y iyong masasamantala…

Si Ina ang aking mutyang minamahal,
Si Ina ang tanging buhay ko’t katawan;
Siya, pag kinuha, ikaw’t ako’y… patay!

Teodoro E. Gener

Maliit na Bato

Isang munting bato ang aking nadampot!…
Nang ako’y mapuno ng duming alabok,
Ay ipinukol ko agad na padabog
Na taglay sa puso ang sama ng loob…

Nang aking ipukol ay tumama naman
Sa lalong malaking bato sa may pampang;
Sa lakas ng tama’y dagling umilandang,
Nagbalik sa aki’t ako ang nasaktan

Di ko akalaing yaong munting bato
Na tinatapakan ng sino mang tao,
Sa di sinasadyang pagmamalikot ko’y
Batuhin ang biglang naghagis na ako…

Mandin ay totoong ang lahat sa lupa
Ay may katutura’t kagamitang pawa;Ang bato, kung batong sinlambot ng luha,
Sa palad ng tao’y tatalsik, tatama.

Teodoro E. Gener

Ang mga tula ay importanteng bahagi ng kasaysayang ng Pilipinas at dapat itong ipagmalaki.

READ ALSO Tula Tungkol Sa Pamilya – Mga Halimbawa Ng Tulang Pampamilya

2 thoughts on “Tula – 10 Halimbawa Ng Mga Tulang Pilipino – Philnews”

Leave a Comment