Basahin ang Maikling Kwento Tungkol kay Caloy at sa Kanyang Saranggola
MAIKLING KWENTO – Narito ang isang kwentong mapupulutan ng aral tungkol kay Caloy at sa kanyang pulang saranggola.
Naghahanap ka ba ng isang maikling kwento para sa iyong takdang-aralin o isang kwento na pwedeng basahin sa maliliit na bata? Pinakamainam ang kwentong mapupulutan nila ng magandang aral katulad na lamang ng kwento tungkol sa isang batang si Caloy.
Si Caloy at ang Kanyang Pulang Saranggola
Bunso si Caloy sa apat na magkakapatid. Ang kanyang Kuya Juan ay may sarili nang pamilya habang nasa Maynila naman nagtatrabaho ang kanyang Kuya Jeffrey. Ang kanyang Ate Olga naman ay palaging abala sa kanilang maliit na tindahan.
Kadalasan, naiiwan si Caloy mag-isa sa kanilang bahay. Dalawang-taong gulang pa lamang siya nang namatay ang kanyang ina at pagkalipas ng tatlong taon ay sumunod na rin ang kanyang ama.
Sa kasalukuyan, pitong taong gulang si Caloy at tatlong buwan pa bago ang pasukan. Ang kadalasang nangyayari ay siya lang mag-isa sa kanilang bahay. Umuuwi lang kanyang Ate Olga sa tanghali para magkasama silang kumain at bumabalik rin agad ito sa kanilang tindahan.
Walang mga bata na kasing-edad niya sa lugar nina Caloy kaya ang saranggola niyang si Pip ang kanyang tanging kalaro. Tatakbo siya ng mabilis kapag malakas ang hangin para ito’y lumipad ng matulin at ito ang ikinatutuwa ng bata.
“Masaya rin siguro maging saranggola, ‘noh? Lagi kang lumilipad at parang nasa langit ka na. Nakakapagpasaya ka pa ng mga bata,” sabi ni Caloy sa sarili habang pinapanood ang kanyang saranggola sa langit.
Ang pulang saranggola na ito ay gawa pa ng ama ni Caloy bago ito pumanaw. Noon, tanging ang ama niya ang kanyang kalaro sa tuwing umuuwi ito galing trabaho kaya’t pinaka-iingatan niya ang saranggola niya.
Subali’t, isang araw, habang nasa himpapawid ang saranggola ni Caloy at tuwang-tuwa ang bata, biglang nagdilim ang langit. Bago pa niya mahila ang saranggola niya ay umulan na ng malakas at bumagsak ito. Subali’t, sa hindi inaasahang pagkakataon, sa puno ito bumagsak at napunit ito.
Kinabahan si Caloy dahil mahal na mahal niya ang saranggola niya. Dahan-dahan niyang hinila ito pero nang makuha niya na ay may punit talaga ito. Kinabukasan, sinubukan ni Caloy na paliparin ang kanyang pulang saranggola pero hindi ito makalipad dahil malapad ang punit nito.
Umiyak na si Caloy at insaktong napadaan si Mang Carding, ang kaibigan ng kanyang ama. Kinwento ng bata ang nangyari sa kanyang saranggola. Niyaya siya ni Mang Carding sa kanilang bahay at inayus niya ito para sa bata.
“Alam mo Caloy, ang saranggola ay parang tao rin ‘yan. Kahit nasa itaas ka man at sobrang-sobra ang iyong tagumpay, pwedeng kang bumagsak. Sa iyong pagkakabagsak dahil man sa problema o ano pa diyan, maaaring hindi ka maka-lipad ulit agad dahil sa punit. Subali’t, darating at darating ang taong tutulungan kang maging buo ulit kaya’t huwag ka dapat mawalan ng pag-asa kahit anuman ang mangyari. Sa dulo ay makakalipad ka ulit,” sabi ni Mang Carding.
Hindi lang ang kabutihan ng matandan ang tumatak sa isip at puso ng bata pero pati na rin ang kanyang parangal. Naging masigasig si Caloy sa pag-aaral at sa tuwing nasa mahirap siyang sitwasyon, inaalala niya lang ang aral na mapupulot sa saranggola.
Pwedeng mo ring basahin ang maikling kwento tungkol sa mga batang matatanda na sina Nestor at Joaquin.