Basahin at alamin ang Alamat Ng Kawayan, isang kwento na kapupulutan ng aral.
ALAMAT NG KAWAYAN – Ang alamat ay isang uri ng panitikan na nagtatalakay ng mga kwentong kung paano nagsimula ang isang bagay at ito ang kwento ng Alamat Ng Kawayan.
Ang isang alamat ay kwento na nagtatalakay kung paano nagsimula ang mga bagay-bagay. Ito ay mga kwentong nagpasalin-salin sa bibig ng mga taong-bayan kaya hindi tiyak kung sino ang orihinal na may-akda ng mga kwentong ito.
Maliban sa mahiwagang mga pangyayari, nagtatalakay rin ang isang alamat ng mga katutubong kultura at kaugalian at mga magagandang katangian.
At isang alamat na paboritong basahin ng nakakararami ay ang pinagmulan ng kawayan.
ANG ALAMAT NG KAWAYAN
Noong unang panahon ang puno ng Kawayan ay hindi yumuyuko. Mayabang ito at taas-noo. Ipinagmamalaki nito ang kanyang makinis na katawan.
Berdeng-berde ang kabuuan ng Kawayan. Sariwang sariwa ang kulay nito lalo na kapag nasisikatan ng araw.
Pero mainggitin ang Kawayan. Lagi at lagging naiinis siya kung hindi pinahahalagahan. Kapag nalalulan siya ng ibang puno at halaman ay nagtatanim siya ng galit. Masama siyang mapahiya pagka’t tumatawag siya ng kaibigang hanging maghiganti upang maiangat lang ang narumihan niyang pangalan. May isang pagkakataong naparaan ang ilang kabataan sa kagubatan. Nagpalinga-linga sila. Nang makitang wala man lang bunga ang kawayan, nilayuan nila ito.
Nilapitan nila ang puno ng Bayabas, at Santol. Tuwang-tuwa sila sa pamimitas ng mga bunga. Inilpag nila sa damuhan ang dilaw na dilaw na bunga ng Santol at berdeng berdeng Bayabas. Nilapitan din nila ang mga puno ng Makopa at Caimito. Namitas sila ng bunga. Matatamis at pulang-pula ang Makopa. Hinog na hinog rin ang mga Caimitong kulay lila.
Tuwang-tuwa ang mga kabataan habang ang prutas ay pinagsasaluhan. Inggit na inggit naman si Kawayan. Wala kasi siyang bunga na ipamimigay. Wala siyang silbi kung prutas ang pag-uusapan.
Sa galit ng Kawayan ay tinawag niya ang kaibigang Hangin.Pinakamalakas na ihip ang higanti ni Hangin. Nagbagsakan ang lahat ng bunga ng Santol, Bayabas. Caimito, at Makopa. Tuwang-tuwa si Kawayan.
Minsan may nagawiang magkasintahan sa kagubatan. Nagpalinga-linga ang binata. Nang makitang walang bulaklak na mapupurol sa puno ng Kawayanay nilayuan nila ito. Natuwa sila ng maulinigan ang mga halamang Rosal at Sampaguita. Dali-daling namupol ng bulaklak ang binata. Ang halimuyak ng Rosal at Sampaguita ay handog na napakaligaya sa dalaga. Dahilan sa mga bulaklak ang magkasintahan ay lalong pinagbigkis ng matapat na pag-iibigan.
Inis na inis naman si Kawayan. Wala siya kahit isa man na bulaklak na maiaalay. Sa pagkapahiya sa sarili tinawag niya ang kaibigang si Ulan.
Sunud-sunuran si Ulan. Upang maipaghiganti ang Kawayan, pinalakas ng Ulan ang kanyang mga patak. Nasira ang mga magagandang tangkay nila Rosal at Sampaguita. Palihim na napangiti si Kawayan.
Isang tanghaling tapat ay may dalawang matandang nahapo sa paglalakad. Upang makapagpahinga, naghanap si Lolo Guillermo at Lola Jovita ng punong may malalabay na sanga. Hindi man lang nila pinansin ang mga sanga ng Kawayan pagka’t makikitid ang mga dahon nito. Natuwa sila ng namataan ang puno ng Banaba. Talagang mapapalad ang mga dahon nito na masisilungan kung ikaw ay maiinitin ng sikat ng araw. Napansin ito ng nakasimangot na Kawayan. Nang makaalis na si Lolo Guillermo at Lola Jovita ay tinawag ni Kawayan ang mga kaibigang Tagak. Ipinaghiganti ng mga Tagak ang inggit na inggit na si Kawayan sa pamamagitan ng pagpigtal sa lahat ng dahon ng Banaba. Nakalbo ang kaawa-awang puno ng lubhang ikinagalak ni Kawayan.
Lingid sa kaalaman ni Kawayan, nakarating kay Bathala ang pagiging mainggitin ni at mapagmataas nito. Bilang parusa, ang laging nakatingalang si Kawayan ay pinayuyuko ni Bathala kapag hinihipan ng malakas na hangin. Ang pagyuko ni Bathala ay pagbibigay halaga sa anumang biyayang handog ni Bathala ay dapat na pahalagahan. Na ang inggit ay di dapat mamugad sa puso nino man.
Iyan ang alamat ng mapagmataas na Kawayan na nagmula sa koleksyon ng Pinoy Alamat.
Marami pang ibang bersyon ng kwento tungkol sa kawayan pero ito ang isa sa mga sikat na bersyon.
READ ALSO:
- Pangkat Etniko – Mga Grupo Ng Pangkat Etniko Ng Pilipinas
- Walong Bahagi Ng Pananalita At Mga Halimbawa Nito
What can you say about this? Let us know!
For more news and updates, follow us on Twitter: @philnews_ph Facebook: @PhilNews, and YouTube channel Philnews Ph.