Sagot Sa Tanong Na “Ano Ang Dagli?”
ANO ANG DAGLI? – Sa paksang ito, aalamin natin ang kahulugan ng salitang dagli at mga halimbawa nito.
Ang dagli ay isang espesyal na anyo ng Panitikang Filipino na nagsasalaysay ng iba’t-ibang paksa sa buhay ng isang tao.
Ito rin ay iba sa mga gawang panitikan tulad ng Alamat, Pabula, at iba pa dahil ito ay sadyang maikli. Karaniwan ay nasa isang daang salita o kaya naman ay aabot hanggang apat na raang salita lamang.
HALIMBAWA:
Kasabikan
Mahigit treinta pesos ang pinagbilhan niya sa mga boteng inipon niya nang mahigit dalawang linggo. Dapat nga beinte-otso lang. Mabuti’t kilala niya ang magbobote, pinasakto na niya.
Hindi niya napigilan ang ngumiti nang iabot sa kanya ng magbobote ang pera. Bakit nga hindi? Kumpleto na ang dalawandaan niya! Tatlong buwan niya kaya ‘yong inipon. Kahit minsan hindi na siya mag-recess. Kahit hindi na siya makarenta ng computer para makapag-Facebook. Kahit hindi na muna niya mabayaran ang inutang na Zest-o kina Aling Mila. Ang mahalaga, mabibili na niya ang gusto niya!
Tinext niya agad si Rachel. Sabi niya, may pera na siya. Sagot naman nito, magkita na raw sila, para mabili na niya ang gusto niya. Matagal na niyang pinapangarap ‘yon. Simula pa noong mapanood niya ‘yon sa bahay ng Kuya Jessie niya.
At pamaya-maya, nagkita nga sila ni Rachel. Sa loob ng tatlumpung minuto, ubos ang dalawandaan.
Kinabukasan, Lunes. May pasok na siya. Ihing-ihi siya nang magising. Ngunit nang sinubukan niyang umihi ay matinding kirot ang naramdaman niya. At kahit masakit, may lumabas naman. Hindi nga lang ihi.
Kundi nanà.
“Holdap ‘to!” hiyaw na lamang ng lalaking nakaupo sa dulo ng jeep.
Napasigaw ang babaeng kolehiyala na katabi ng holdaper. Na napakalaki nitong pagkakamali. Ayaw yata ng holdaper sa maiingay. Tinakpan agad nito ng kamay ang bibig ng kolehiyala at itinutok ang baril na hawak sa sentido nito.
“Ilabas niyo ang mga pera niyo!” sigaw sa’min ng holdaper. Bata pa. Wala pang beinte-singko. “Pati mga cellphone, alahas, lahat! Dali! Kundi papatayin ko ‘to!”
Tumalima agad sila. Nagsilabasan ang mga pera, cellphone, at mga alahas. Walang tumutol. Walang nanlaban. Matatalinong tao, sa isip-isip ko.
Habang nangyayari ‘to’y walang kamalay-malay na natutulog ang isang ale sa likod ng drayber (Teka, bakit hindi humihinto ang drayber? Walang karea-reaksyon! Tatandaan ko plate number mo, loko!).
“Gisingin mo!” singhal sa ‘kin ng holdaper.
Tinapik niya ng makatatlong beses ang ale bago ito naalimpungatan. Napatingin ito sa akin saka sa holdaper.
“Benedict?” hindi makapaniwala ang tinig ng ale. “Ikaw na ba ‘yan?”
Natigilan ang holdaper. Nanlaki ang mga mata. Namutla. Nabitawan ang baril.
“Para na!” sigaw nito at dali-daling huminto ang jeep.
Tumingin muna ang holdaper sa ale. Punum-puno ng hiya ang mukha nito. Para ngang maiiyak pa.
“Sorry po, Ma’am!”
At saka ito bumaba.