Tula Tagalog: Halimbawa Ng Mga Tula Sa Tagalog (Filipino Poems)

Mga Halimbawa Ng Tagalog Na Tula

TULA TAGALOG – Ang tula ay isang uri ng sining o panitikan na nag papahay ng damdamin o emosyon ng isang tao.

Tula Tagalog: Halimbawa Ng Mga Tula Sa Tagalog (Filipino Poems)

Eto ang mga halimbawa ng mga Tula sa Tagalog:

Bulag Ka, Juan | Ariana Trinidad

Bumaon sa tao,
Kuko ng pangako,
At ngiti ng pulitiko,
Na plantsado pati kwelyo.

Sa eleksyon lang nakita,
Ang kumag na kongresista,
Pagkat nakatago sa lungga,
Ng kaniyang malamig na kuta.

Tahimik sa buong taon
Maingay sa eleksyon
Parang naghahamon
Wala kasing laman ang garapon.

Ang bulsa ng pagkatao
Ng hayop sa Kongreso,
Ay nakadeposito
Sa bituka ng bangko.

Inumit na salapi
Walang makapagsabi
Kahit na piping saksi
Kalat-kalat kasi.

Bundat ang bulsikot
Sa pangungurakot,
Ang kaban: sinimot.
Sinaid pati ipot.

Tuso si Hudas
Planado ang lahat
Walang mga pekas
Kahit isang bakas.

Ang hahatol ay bulag
Bingi ang katulad
Kaya nakaligtas
Ang lider na huwad.

Kailan ititigil ni Juan
Ang pakikipagbolahan
Sa bingo ng gahaman
At roleta ng kasakiman?

Ang Batong Maliit | Pinoy Edition

Namamasyal noon ang hari sa hardin
Upang bigyang laya ang diwa’t panimdim
Walang anu-ano; natawag ang pansin
Ng batong maliit na hamak sa tingin

Bato’y tinitigan at tinisud-tisod
At saka tinanong ang kanya ring loob
Ano kaya itong himala ng Diyos?
Bakit pati ito, sa mundo’y sumipot?

Kung saan-saan na naglakba’y ang isip
Ng haring nawili sa pagkakatitig,
Sa wakas umurong ang taglay na guhit
Ng kanilang palad ay nagkakawangis.

Bato ay maliit, at hamak na hamak,
Siya ay dakila at hari ang tawag,
Nguni’t ngayon niya nakuro’t natatap
Na ang hari’t bato’y pantay rin ang sukat.

Hugis pa nga siya kung pagtutuusin
Ng hamak na batong maliit sa tingin,
Siya’y naglalayag na patungong libing,
Bato’y matitirang bato rin sa hardin.

Ang Guryon (Saranggola)

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon,
na yari sa patpat at “papel de Hapon,”
magandang laruan, pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.

Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin,
ang dulo at paulo ay sukating magaling
nang hindi umikit o kaya’y kumiling.

Saka umihip ang hangin, ilabas
at sa itaas bayaang lumipad;
datapwa’t ang pisi ay tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.

Ibigin man at hindi, balang araw ikaw
ay matutuksong makipag-agawan;
makipaglaban ka, subali’t tandaan,
na ang nagtatagumpay ay ang pusong marangal.

At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya’y mapatid;
kung saka-sakaling di na makabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit.

Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
maagaw at umagaw saan man sumuot….
Oh, paliparin mo at ihalik sa Diyos,
bago tuloy-tuloy sa lupa ay sumubsob.

Like this article? READ ALSO: Saknong: Ano Ang Saknong? (Bahagi Ng Isang Tula)

Leave a Comment