Tula Tungkol Sa Wikang Filipino – Halimbawa Ng Mga Tula

Heto Ang Mga Halimbawa Ng Tula Tungkol Sa Wikang Filipino

WIKANG FILIPINO– Sa paksang ito, ating pagbibigyang pansin ang mga halimbawa ng tulo tungkol sa wikang Filipino.

Ang mga wikang katutubo ay parte ng kultura at kasasaysayan ng ating bansa. Kaya naman, dapat itong pagbigyang pansin at pahalagahan. Bilang mga Pilipino, dapat nating tangkilikin ang ating wika dahil ito ang nagbibigay sa atin ng kasarinlan. Bukod dito, ito rin ay isang simbolo ng ating kalayaan.

Tula Tungkol Sa Wikang Filipino – Halimbawa Ng Mga Tula

Heto ang mga halimbawa ng tula tungkol sa wikang pambansa ng Pilipinas:

Ako’y Wika – Tula ni Kiko Manalo

Wikang Filipino ang aking pangalan,
Ipinanganak ko itong kalayaan,
Ako ang ina at siyang dahilan,
Ng pagkakaisa at ng kasarinlan!

Sapagkat ako nga ang siyang tumanglaw
Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,
Katulad ng inang sa iyo ay ilaw,
Nagbibigay-sigla’t buting sumasaklaw!

Ako rin ang ama at naging haligi,
Ng mga sundalo at mga bayani,
Sa digmaan noon sa araw at gabi,
Ako ang sandatang nagtaas ng puri!

Pagkat akong wika ang lakas mo’t tuwa
Ako’y lakas nitong bisig mo at diwa
Sa pamamagitan ng aking salita,
Ligtas ka sa uring luksong masasama!

Sinalita ako at gamit ng lahat,
Upang mga taksil ay maisiwalat,
Sa Luzon, Visayas, sa lahat ng s’yudad,
Pati sa Mindanao, ako ay nangusap!

At nakamit mo na ang hangad na laya,
Mula sa dayuhang sakim at masama,
Dilim na sumakop sa bayan at bansa,
Dagling lumiwanag, pintig ay huminga!

Wikang Filipino, ginto mo at hiyas,
Panlahat na wika saan man bumagtas,
Ilaw na maalab, sa dilim ay lunas
At lakas patungo sa tuwid na landas!

Ang Teknolohiya at Ang WikaTula ni Avon Adarna

Pinagkaitan nga ng mga patinig,
Mga pangungusap – kulang sa katinig,
At kung babasahin sa tunay na tinig,
Ay mababanaag ang kulang na titik!

Sa sulating pormal at mga sanaysay,
Ano’ng pakinabang kung putol at sablay,
Kulang na ang letra’y mali pa ang baybay,
Ang akala yata’y lubhang mahinusay.

Sa paglalahad ng totoong damdamin,
Hindi ba nagkulang sa ibig sabihin?
Sa pagsusulit ba at mga eksamin,
Makapasa kaya kung letra’y kulangin?

Mundong makabago at teknolohiya,
Anong naidulot sa ating pag-asa?
Kabataang dugong mag-aahon sana,
Tila katunggali ng sariling wika.

Ngayo’y nagtatampo – Wikang Filipino
Sa wari’y nasunog ang tunay na mundo,
Ang wika na dapat ay isinasaulo,
Ay lubhang nalimot at nagkalitu-lito!

Salamat sa inyong maiiging pagbabasa. Aming sinisiguro ang pagserbisyo ng bago at pinaka-tinatangkilik na balita. Hanggang sa susunod na mga bagong balita mula dito lamang sa Philnews.

BASAHIN DIN: Mabango Ang Kanyang Pangalan – Kahulugan At Halimbawa Ng Paggamit

Leave a Comment