Mga Halimbawa At Kahulugan Ng Talumpati Ng Pagtatapos
TALUMPATI NG PAGTATAPOS – Ang talumpati ay isang buod o kaisipan o opinyon ng isang tao na ibinabahagi sa pamamagitan ng pagsasalita sa isang entbalado.
Sa paksang ito, tatignan natin ang iba’t ibang halimbawa ng talumpating pagtatapos.
Talumpati Ng Pagtatapos
Madalas ay nag-aabala tayo sa paghahanap ng regalo para sa ating mga mahal sa buhay. Kapag may mahalagang okasyon, hindi mawawala ang mga regalo, maliit man o malaki, basta bukal sa loob at alam na makapagpapasaya sa hahandugan ay pinaghihirapan nating makuha.
Ngunit may isang uri ng regalo na magandang ibigay para sa sarili, gayundin sa mga taong nakapaligid. Ang regalong ito ay bunga ng pagsusumikap mo at ng iyong mga magulang at lahat ng nagtaguyod sa iyo. Ang regalong ito ay gagawing espesyal ang anumang araw, may okasyon man o wala—at ito ay ang regalo ng pagtatapos sa eskwela.
Magandang regalo ito para sa mga magulang na nagsusumikap. Lahat ng kanilang sakripisyo simula noong ikaw ay musmos hanggang sa magkaisip ay matutumbasan sa oras na hawak mo na ang iyong diploma.
Marahil ay sa iyo nakapangalan ang diploma, ngunit kabahagi mo sa tagumpay ang iyong ama’t ina at iba pang kaanak na umagapay. Isang tinik ang mabubunot sa iyong mga mahal sa buhay sa oras na makita nilang hindi nasayang ang kanilang bawat pawis at oras na inilaan para lamang tustusan ang iyong edukasyon. Batid nilang ang regalong ito ay habambuhay nilang itatamasa at dadalhin. Dangal nil ana mayroong makapagtapos na anak at kaanak kaya naman siguradong walang pagsidlan sila sa tuwa.
Wala ring makatutumbas na regalo ito para sa iyong sarili. Sa wakas, ang lahat ng iyong pinagdaanan ay nagbunga na. Ang mga gabing walang pahinga, ang mga araw na akala mo ay hindi mo na kaya, ang mga panahong sinukat ang iyong tiyaga at pananalig, ay isa nang napakatamis na tagumpay ngayon.
Dahil sa pagtatapos sa iyong pag-aaral, alam mo na ngayong wala nang makapipigil sa iyo upang maabot ang iyong mga pangarap. Abot-kamay na ngayon ang pinapangarap na hanapbuhay, kaakibat ang maayos na sahod para sa pamilya at sa sarili. Aanihin na ngayon ang mga ipinunla para sa sarili.
Pinakamasarap na regalo ang pagtatapos sa pag-aaral. Pinakamagandang regalo ang edukasyon na mananatili kailanman.
[Source: Panitikan.com]
Talumpati Tungkol Sa Pagtatapos
Ang bawat kabanata ng pagtatapos ng isang mag-aaral ay hudyat ng panibagong pakikipagsapalaran at umipsa ng mas malaking hamon sa tunay na laban sa buhay.
Isa sa mga pinakaasam-asam ng isang mag-aaral ay ang araw ng kanyang pagtatapos. Ito ang araw na hindi lang tayo ang naghihintay na sumapit, bagkus ay kasama ang mga mahal sa buhay.
Dito nagkakaroon ng tuldok ang ating mga mahahabang litanya tungkol sa hirap ng lahat ng ating pinagdaanan habang tayo ay mga estudyante pa lamang.
Mula sa pagiging mga ordinaryong mag-aaral ay ganap na kayong mga “graduate” ngayon. Ang kasalungat ng salitang pagtatapos ay umpisa. Umpisa o simula ng panibagong yugto ng mas mapaghamong uri ng buhay.
Ang ating buhay na nasanay sa apat na sulok ng silid aralan ay iba na ngayon. Malawak na ang uri ng mundo na ating ginagalawan.
Kaakibat nito ay ang mga malalaking obligasyon at mga responsibilidad na nakatang na sa ating mga balikat. Dito na natin tunay na maiintindihan ang tunay na kahulugan ng salitang buhay.
Walang silbi ang lahat ng ating mga parangal at mga gawad na natanggap mula sa ating pagtatapos kung hindi natin ito lubusang magagamit.
Ang mga diploma at mga matataas na grado ay magsisilbing mga palamuti lamang kung hindi natin ito magagamit ng may kabuluhan.
Alalahanin natin na sa kabila ng hirap ng ating mga magulang ay pilit nila tayong iginapang at itinaguyod para lamang makatapos tayo sa ating pag-aaral.
Ang karangalan sa pagtatapos ay regalo natin sa ating mga magulang. Ngunit ang kapakinabangan ng ating pag-aaral ay para sa ating mga kinabukasan.
Ang pagtatapos sa ating mga kurso ay ang umpisa ng ating unti-unting pagtayo sa ating mga sariling mga paa.
Umpisa ng pag-abot ng ating mga munti at malalaking pangarap at paghahanda sa ating mga sarili para sa mapaghamong paglalakbay sa totoong kahulugan ng buhay.
[Source: Takdang Aralin]
READ ALSO: Uri Ng Talumpati: Mga Uri Ng Talumpati At Halimbawa Nito