PARABULA – 3 Pang Mga Halimbawa Ng Talinhaga

PARABULA – 3 Pang Mga Halimbawa Ng Talinhaga

PARABULA – Narito pa ang tatlo pang mga iba’t ibang mga halimbawa ng mga parabula o talinhaga na mga kwento na taglay ang karunungan.

Ang parabula o kilalanin rin bilang talinhaga o talinhaga, ito ay isang panitikang prosa na nagtataglay ng aral o karunungan. Ang kadalasan ng mga ito ay hango mula sa Bibliya.

Narito ang halimbawa ng mga talinhaga na possileng nasa Bibliya na sinalin sa Tagalog:

Ang Alibughang Anak
Ang isang mayamang ama’y may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng batang anak na ang ganang kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na nang bunso ang kanyang mana ay tumungo sa malayong bayan at nilustay ang kabuhayang ipinagkaloob ng ama.

Naubos na lahat ang kanyang salapi. Namumulubi siya at nang wala nang makain ay inisip nang bumalik sa dating tahanan upang makain man lamang niya ang kinakain ng alila ng kanyang ama. Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama, sinalubong ng yakap at halik ang bumalik na anak. Inutusan ang isang alila na bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan, ipinasuot sa daliri ang isang mamahaling singsing at ipinagpatay ng isang matabang baka.

Namangha ang matandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Nang malaman niya ang sanhi ng kasayahan ay nagalit nang gayon na lamang at sinumbatan ang ama. “Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibughang anak ninyo ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang.”

Sumagot nang marahan ang ama. “Anak ko, ikaw ang lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo. Tayo’y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay, nakita nating muli ang nawala.”

Nang Magtampo ang Buwan
Minsan nagtampo ang buwan sa araw at ito’y kanyang kinamuhian. Inggit ang dahilan ng lahat.

Naiinggit siya sa araw, dahil ito’y mas sikat at hinahangaan ng mga tao kaysa sa kanya. Samantalang siya’y simbolo lamang ng malalagim na bagay. At kung minsan ay ginagawang palatandaan ng kabaliwan!

Walang nananabik sa kanyang pagsikat at walang nanghihinayang sa kanyang paglubog. Habang ang araw ay parating inaabangan ang pagsikat at ikinalulungkot ang paglubog nito.

Sa galit ng buwan, siya’y nagpakalayu-layo sa araw.

At sa paghahangad niyang maging sikat, nanghiram siya ng kulay sa bahaghari at ito’y ipinahid niya sa kanyang mukha.

Gayundin, nanghiram siya ng ilang bituin at pinakislap ang ilang bahagi ng kanyang kabuuan.

Hindi nga naglaon at napansin siya ng mga tao.

Ngunit sa halip na hangaan, siya’y pinagtawanan. Nilibak. Kinutya!

Saan ka nakakita ng buwan na may ibang kulay?

Lubos na nalungkot ang buwan.

“Malulupit ang tao, ang sabi niya.” Nagkamali siya kung bakit hinangad pa niya ang paghanga ng mga ito.

At masaklap pa nito, napuna na lamang ng buwan na unti-unti nang napapawi ang taglay niyang liwanag. Kapag nagtuluy-tuloy ang paglalaho ng kanyang liwanag, tuluyan na siyang mawawalan ng saysay.

Dito napag-isip-isip ng buwan ang isang katotohanan. Na kapag malayo pala siya sa araw ay nawawalan siya ng liwanag. Dahil ang liwanag na kanyang taglay ay sa araw rin nagmumula. Ito ang nagbibigay at sa kanya’y nagkakaloob.

Hiyang-hiya ang buwan sa kanyang ginawa. Nagbalik siya sa araw na hinang-hina. Humingi siya ng tawad dito.

“Napakasama ko. Ikaw na nagbigay sa akin ng buhay ay kinainggitan ko pa. Anong klaseng nilalang ako?”

“Ang lahat ay natutukso at nagkakamali. Ang mahalaga’y nagbalik ka nang muli kung saan ka nararapat.” At iyan ay sa piling ko, ang sabi ng araw.

Magmula noon, hindi na lumisan ang buwan sa piling ng araw na nagbibigay buhay sa kanya!

Ang Pagmamahal sa Kapwa
Isang mataas na bundok ang tinangkang akyatin ng isang grupo ng kalalakihan.

Ngunit sa proseso ng kanilang pag-akyat, isang pagguho ng yelo ang naganap at marami sa kanila ang nasalanta at namatay.

Tatlong lalaki mula sa grupong iyon ang milagrong nakaligtas. Ngunit malubhang napilayan ang isa.

“Mamamatay na rin lang ang lalaking iyan, iwan na natin!” ang pagyayaya ng isa.

“Hindi. Hindi natin siya maaaring iwanan hangga’t may buhay pang nalalabi sa kanya”, wika naman ng ikalawa.

“At anong gagawin mo? Bubuhatin ang lalaking iyan hanggang sa makababa tayo? Isa kang baliw!”

“Mas hindi ko makakayang iwan siya rito…” ang tugon lamang nito.

Kaya’t nagpatiuna na nga ang lalaking iyon at iniwan ang dalawa.

Samantala, buong pagtitiyaga ngang binuhat ng lalaki ang sugatan. Isinakay niya ito sa kanyang likuran, at yumakap naman sa kanya ang lalaki upang hindi mahulog.

Naglakbay sila sa ganitong ayos, kahit na nga mahirap ay tiniis ng lalaki, mailigtas lamang ang kasama.

Makalipas ang dalawang araw ng paglalakbay, laking gulat ng dalawang lalaki nang madaanan ang isang bangkay.

Bangkay iyon ng lalaking nagpatiuna sa kanila.

“Ano ang nangyari?” tanong ng napilayang lalaki sa kasama.

“Hindi niya marahil nakayanan ang lamig, at bumigay ang kanyang baga.”

“Pero tayo… nakayanan natin ang lamig.”

“Dahil magkasama tayo at magkaniig ng ganito. Ang init ng ating mga katawan ang naging proteksiyon natin sa matinding lamig.”

Isang mahalagang aral ang natutunan nila habang bumababa na sila ng bundok tungo sa kaligtasan. Na ang pagmamahal sa kapwa ay parating may magandang kinahihinatnan, kaysa sa mga nang-iiwan.

1 thought on “PARABULA – 3 Pang Mga Halimbawa Ng Talinhaga”

Leave a Comment