PARABULA – Ang Kahulugan At Mga Halimbawa Nito
PARABULA – SA paksang ito, ating alamin ang ibig sabihin ng tinatawag na parabula at ang mga iba’t ibang mga halimbawa nito.
Kilala rin bilang talinghaga, talinhaga, ito ay isang maikling kwentong may aral na kalimitang hinahango mula sa Bibliya. Ang saling Ingles ay parable na galing naman sa salitang Griyego na parabole na ibig sabihin ay sanaysay.
Ito rin ay tungkol sa buhay na maaring mangyari o nangyayari an kung saan nagtuturo ng ispiritwal o kagandahang asal na magiging gabay ng isang taong na sa pangangailangang mamili o magdesisyon.
Narito ang halimbawa ng mga talinhaga na possileng nasa Bibliya na sinalin sa Tagalog na mula sa website na KapitBisig:
Ang Pinakamaliit na Bato
Ang guro at ang kanyang mga estudyante ay naglalakad sa isang bulubunduking lugar. Malayo pa ang kanilang lalakbayin. Ang mga estudyante ay nakaramdam na ng gutom. Wala naman silang nadaraanang puno na may bunga para makapitas sila ng makakain. Dalawang batis na ang kanilang dinaanan. Uminom silang lahat sa dalawang batis. Napawi naman ang kanilang uhaw. Ang hindi lang nawala ay ang nararamdaman nilang matinding gutom.
Wala rin naman mga bahay at tindahan sa kanilang dinaraanan. Maaari sana silang bumili o humingi ng anumang pagkain para mapawi ang kanilang gutom. Nahihiya naman silang magsabi sa kanilang guro.
Alam nilang ang kanilang guro ay mayroong kapangyarihan. Kung gugustuhin nito ay maaari itong makagawa ng pagkain para sa kanilang lahat. Kaya laking pasasalamat nila ng huminto sa paglakad ang kanilang guro at humarap sa kanilang lahat.
Malayo pa ang ating lalakbayin, sabi nito.
Kailangang magkaroon tayo ng panibagong lakas. Dumampot kayo ng tig-i-tig-isang bato at dalhin ninyo, dagdag pa nito.
Nagdamputan naman ang mag estudyante. Mayroong dumampot ng malaki at mayroong maliit. Isa sa mga estudyante si Islaw. Naiinis siya sa kanilang guro dahil gutom na nga sila at pagod ay pagdadalhin pa sila ng bato. Sa inis niya ay maliit na maliit na bato lang ang kanyang dinala’t lihim pa niyang pinagtawanan ang ibang kasama dahil malalaki pang bato ang kinuha ng mga ito.
Pagsapit nila sa isang batis ay sinabi ng guro na magpapahinga muna sila doon at kakain.
Saan po tayo kukuha ng kakainin? inis na tanong ni Islaw.
Iyang mga batong pinadala ko sa inyo ay gagawin kong tinapay, sagot ng guro. Iyan ang magiging pagkain ninyo.
Sa isang pitik ng daliri ng guro ay naging tinapay nga ang mga batong dinala ng bawat isa. Sising-sisi si Islaw dahil sa pinakamaliit ang dala niyang bato.
Talinghaga ng Nawawalang Tupa
Minsan may isang pastol na may isandaang tupa na inaalagaan. Bawat isa ay kanyang iniingatan at ginagabayan. Pinoprotektahan din niya sa mga lobo ang kanyang mga tupa, at itinutuwid ng landas sa tuwing sila’y maglalakbay.
Ngunit isang araw, nang bilangin ng pastol ang kanyang mga tupa’y bigla siyang nanlumo.
Siyamnapu’t siyam lamang ang kanyang bilang. May isang tupa na nawawala. Sa katunayan, ang tupang iyon ang pinakamaliit sa lahat. At hinding-hindi niya makakalimutan ang itsura nito at ang tinig nito, bagama’t halos pare-pareho ang itsura ng mga tupa.
Kaagad kumilos ang pastol. Inayos niya ang siyamnapu’t siyam niyang tupa sa isang tabi, at siya ay lumisan upang hanapin ang nawawalang tupa. Hindi lubos maintindihan ng naiwang mga tupa kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng kanilang amo sa isang nawawalang tupa at handa nitong iwan silang siyamnapu’t siyam. Hanggang sa magbalik ang kanilang amo. Dala na nito ang nawawalang tupa at ito ay maligayang-maligaya!
Ang sabi ng pastol sa kanyang mga tupa, Sinuman sa inyo ang mawala, hahanapin ko din. Kung papaano kong hinanap ang isang ito. Dahil lahat kayo ay mahalaga sa akin.
BASAHIN DIN: KWENTONG BAYAN – Mga Iba Pang Halimbawa Nito