KWENTONG BAYAN – Mga Iba Pang Halimbawa Nito
KWENTONG BAYAN – Sa paksang ito, ating babasahin ang mga iba’t ibang mga halimbawa ng panitikang kwentong bayan.
Muli, ito ay mga salaysay na mula sa mga likhang-isip na mga tauhan na kumakatawan sa mga uri ng mamamayan tulad ng hari, isang marunong na lalaki, o kaya sa isang hangal na babae.
Narito ang mga ibang mga halimbawa nito na mula sa iba’t ibang mga website:
Bakit May Pulang Palong Ang Mga Tandang
Nakapagtataka kung bakit may pulang palong ang mga tandang. Kapansin-pansin din na kapag pulang-pula ang palong ng tandang ay magilas na magilas ito. Para bang binata na nagpapaibig sa mga dalaga.
Ayon sa kuwento, may mag-ama raw napadpad ng bagyo sa isang baryo sa pulo ng Masbate. Ang ama ay nakilala ng mga tao sa nayon dahil sa kawili-wiling mga palabas nito na mga salamangka o mahika. Tinawag nilang Iskong Salamangkero ang kanilang bagong kanayon. Bukod sa pagiging magalang, masipag, mapagkumbaba ay mabuting makisama sa mga taga nayon si Iskong Salamangkero. Madali siyang nakapaghanap ng masasakang lupa na siyang pinagmulan ng kanilang ikinabubuhay na mag-ama.
Kung anong buti ng ama ay siya namang kabaliktaran ng anak nitong si Pedrito. Siya ay tamad at palabihis. Ibig ni Pedrito na matawag pansin ang atensyon ng mga dalagita. Lagi na lamang siyang nasa harap ng salamin at nag-aayos ng katawan. Ang paglilinis ng bahay at pagluluto ng pagkain na siya lamang takdang gawain ni Pedrito ay hindi pa rin niya pinagkakaabalahan ang pag-aayos ng sarili. Kapag siya ay pinagsasabihan at pinangangaralan ng ama ay nagagalit siya at sinagot-sagot niya ito.
Isang tanghali, dumating sa bahay si Iskong Salamangkero mula sa sinasakang bukid na pagod na pagod at gutom na gutom. Dinatnan niya na wala pang sinaing at lutong ulam si Pedrito. Tinawag niya ang anak ngunit walang sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa silid. Nakita niya sa harap ng salamin ang anak na hawak ang pulang-pulang suklay at nagsusuklay ng buhok.
Pedrito, magsaing ka na nga at magluto ng ulam. Gutom na gutom na ako, anak, wika ni Iskong Salamangkero.
Padabog na hinarap ni Pedrito ang ama at kanyang sinagot ito.
Kung kayo ay nagugutom, kayo na lamang ang magluto. ako ay hindi pa nagugutom. At nagpatuloy ng pagsusuklay si Pedrito ng kanyang buhok.
Nagsiklab ang galit na si Iskong Salamangkero sa anak. Sinugod niya si Pedrito at kinuha ang pulang suklay. Inihampas niya ito sa ulo ng anak at malakas niyang sinabi Mabuti pang wala na akong anak kung tulad mong tamad at lapastangan. Sapagkat lagi la na lamang nagsusuklay ang pulang suklay na ito ay mananatili sana iyan sa tuktok ng iyong ulo. At idiniin ni Isakong Salamangkero ang pulang suklay sa ulo ni Pedrito.
Dahil sa kapangyarihang taglay ni Isko bilang magaling na salamangkero, biglang naging tandang ang anak na tamad at lapastangan. At ang suklay sa ulo ni Pedrito ay naging pulang palong. Hanggang sa ngayon ay makikita pa natin ang mapupulang palong sa ulo ng mga tandang.
Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang bayan ng Banaue at Mayaoyao. Itinu-turing noon na isang karangalan ang makapatay ng kalaban. Sa panahong ito nabuhay si Wigan, anak ng hari ng Banaue na si Ampual.
Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon upang magpahinga, nakakita siya ng isang dalagang naliligo. Naakit siya sa kagandahan nito ngunit napansin niyang ito ay isang dayuhan at walang karapatang maligo sa lupain ng Banaue.
Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng isang ahas. Nakilala niya na ang ahas ay si Lumawig, ang diyos ng kalangitan.
Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni Wigan ang dalaga pauwi. Nalaman niyang ang pangaian nito ay Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao na si Liddum. Sa kanilang mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang pag-iibigan.
Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan. Siya na ngayon ang dayuhan sa lupain ni Ma-i.
Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama. Isinalaysay niya ang pangyayari.
“Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong naliligo sa kanyang lupain ngunit siya ay nahabag. Sa halip, sinamahan pa niya ako pauwi nang ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kanya. Ama, tulad ng pagkahabag niya sa akin,” nagmamakaawang sabi ng dalaga.
Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay taliwas sa nais ng mga mamamayan ng Mayaoyao.
“Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili,” pahayag ng hari. “Mga mamamayan ng Mayaoyao, piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang makatunggali ng binatang mula sa Banaue. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak.”
Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang pinakamagiting nilang mandirigma upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang paghaharap ng dalawa.
Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa anak ng kanilang hari. Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban. Humanda silang maipaghiganti ito kung sakaling magagapi ito.
Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana’y madugong pagtutuos ng mga maiidirigma ng Banaue at Mayaoyao.
Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa sayaw ng kasalan. Tuluy-tuloy ang pagtunog ng gansa. Umabot ang kasayahan sa loob ng siyam na araw.
Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay naglakbay pabalik sa Banaue. Habang naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang ama. Matanda na ito at marahil ay naghihintay na rin itong magkaapo. Ngunit nag-asawa siya nang walang pahintulot ng ama. Sasang-ayon kaya ito sa kanyang ginawa?
Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual. Hinanda na ng binata ang kanyang sarili.
“Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan, iyon ang magiging taon ng aking pag-aasawa. Ama, narito na si Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao. Ang kanyang amang si Liddum at mga mamamayan nito ay naging mabait sa pagtanggap sa akin.”
Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni Wigan na naunawaan siya ng ang ama. Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng sasabihin niya sa mga nasasakupan. Masayang sumalubong naman ang lahat. Nagwika ang hari sa mga taga-Banaue.
“Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko na rin ang ating mga ninuno. Bago ito mangyari ay nais kong makita ang aking anak na mag-asawa at handa nang pumalit sa akin. Narito ang dalaga mula sa Mayaoyao. Mga dalaga ng Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang pinakamaganda na maaari nating itapat sa pana-uhing padala ni Lumawig. Mula sa dalawa, pipiliin namin ng aking anak kung sino ang higit na maganda. Ang mapipili ay mapapangasawa ng aking anak, at ang hindi ay mamamatay. Bilang gantimpala sa magwawagi, ang kanyang karanasan ay magiging alamat sa ating mga anak.”
Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila kay Ma-i. Nang sila ay makapili, lahat ay sumang-ayon na iyon na nga ang pinakamaganda sa mga taga-Banaue.
Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan ang mga kagandahang nasa harap ni Wigan ngayon.
Nagtanong si Ampual.
“Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?”
“Ma-i,” tugon ni Wigan.
“Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na maganda?”
“Opo,” sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.
Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa kasiyahang ito, nagwika si Ma-i.
“May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng Banaue. Hayaan niyong ang dalagang aking nakatapat ay manatiling buhay nang walang kahihiyan. Ito’y upang ang kanyang karanasan ay magsilbing alamat ng ating mga anak.”
Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan na ang ikawalong baitang ng hagdan-hagdang palayan at naganap muli ang kasalan nina Ma-i at Wigan. Ito ang naging simula ng kapayapaan sa pagitan ng Banaue at Mayaoyao na umabot hanggang sa kasalukuyan.
NAGING SULTAN SI PILANDOK
ng mga Maranao
Ang kinagigiliwang Juan ng katagalugan ay may katumbas sa mga Maranaw – si Pilandok.
Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kanyang ginawa.
Pagklipas ng ilang araw, ang sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kanyang harap na nakasuot ng magarang kasuotan ng sultan. Nakasukbit sa kanyang baywang ang isang kumikislap na ginituang tabak.
“Hindi ba’t itinapon ka na sa dagat?” nagtatakang tanong ng sultan kay Pilandok. “Siya pong tunay, mahal na Sultan,” ang magalang na tugon ni Pilandok. “Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon,” ang wika ng sultan.
“Hindi po ako namatay, mahal na sultan sapgkat nakita ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako’y sumapit doon. Sila po ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa lahat ng bagay?” ang paliwanag ni Pilandok. “Marahil ay nasisiraan ka ng bait,” ang sabi ng ayaw maniwalang sultan. “Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat.”
“Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla ay naririto ngayon at kausap ninyo,” ang paliwanag ni Pilandok. “May kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po’y aalis na at marahil ay hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak.” Umakmang aalis na si Pilandok.
“Hintay,” sansala ng sultan kay Pilandok. “Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang sultan ng mga sultan at ang iba ko pang kamag-anak.”
Tatawagin na sana ng sultan ang mga kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihangwalang dapat makaalam ng bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang ultan sa loob ng isang hawla.
“Kung gayon ay ilagay mo ko sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat,” ang sabi ng sultan. “Sino po angmamumuno sa kaharian sa inyong pag-alis?” ang tanong ni Pilandok. “Kapag nalaman po ng iba ang tingkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng dagat ay magnanais silang magtungo rin doon.”
Sandaling nag-isip ang sultan at nakangiting nagwika, “Gagawin kitang pansamantalang sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin.” “Hintay, mahal na Sultan,” ang pigil ni Pilandok. “Hindi po ito dapat mlaman ng inyong mga ministro.”
“Ano ang nararapat kong gawin?” ang usisa ng sultan. “Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta’t ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong korona, singsing at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong kabig ay susundin nila ako,” ang tugon ni Pilandok.
Pumayag naman ang sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging sultan.