TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – Iba Pang Mga Halimbawa Ng Tulang Nito

TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – Iba Pang Mga Halimbawa Ng Tulang Nito

TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – Narito ang mga mga iba pang mga halimbawa ng tula para sa ina na maari ninyong gawing regalo para sa kasintahan o mahal mo.

TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG
Image from: Community Foundation of Teton Valley

Kabilang rin dito ang mga tulang pag-ibig na malungkot sa mga panahon na ikaw ay sawi. Kaya naman, ang mga tula ay pawang tungkol sa pag-ibig sa pangkahalatan.

Narito ang mga tulang tungkol sa pag-ibig.

Sa pagsuko ng bawat salita… ni Patricia Soriso

Minsan kong ginamit ang mga salita bilang kalasag.
Bilang pantakip sa kabiguan kong harapin ang katotohanan. Ginamit ko ito upang pagmukhain akong matapang at lumalaban na mandirigma.

Ngunit unti-unti itong nilusaw ng oras at buo akong nilamon ng lahat ng kasinungalingang ibinato ko sa ngalan ng pag-ibig. Lahat ng inilagan kong sakit ay ibinalik sa akin ng tadhana; nang triple at walang pagpipigil.

Kalaspatanganan ang tawagin itong isang tula. Kasalanan na itala ang kuwento natin bilang pag-ibig.

Luluha ang langit sa bawat pagkakataon na minahal kita kahit hindi ka karapatdapat.
Ngingiti ang araw sa bawat salitang pinili kong pakinggan, kahit inulan na ako ng pighati nang kausapin ako ng iyong mga mata.

Walang ‘sing tamis ang bawat halik na pinadama mo sa pagitan ng mga panaginip.
Ni hindi ko gustong dumilat.
Sa pag-asang ang katotohanan ay ito at hindi ang iyong paglisan.

Pag-Ibig ni Ginoong De Juan

Sa pagtatagpo ng ating mga mata
Hindi napigilang ako ay humanga
Nasilayan ko ang maamo at maputi mong mukha
Hindi na napigilang ako’y humanga’t natulala.

Sa paglipas ng araw
Damdamin ay lalong napukaw
Ng iyong ugaling nakakahumaling
At ng iyong maayos, magandang dating

Bakit ganito ako pag ikaw ay nakikita
Para kang musika, nagbibigay ng ligaya
Sa aking paghinga
Binibigyang pag-asa

Bakit kaya sa mga grupo tayo’y pinagtagpo
Minsan pakiramdam ko, ako ay nahihilo
Dahil sa iyong mga tingin na nakapanloloko
Pero ayos lang kahit na ako’y ganito

Tunay na pag-ibig di alam kung saan galing
Pag-ibig kung hindi nag-isip ng magaling
Maaaring maging makasarilit mapag-imbot
Siyang dahilan, baka pangarap di maabot.

Pag-ibig dulot ay samahan
Mga taong pinaglayo man,
Sa pag-ibig matatagpuan
Tunay na kayamanan, kabutihan at
Kaligayahan. . . .

Bukang-Liwayway na Hinihintay ni RL Canoy

Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso,
tanging hangad lamang ang puring ingat mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan,
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Waring isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian.

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako.

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

At maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala na higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos,
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos,
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa,
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal,
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang banal,
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

BASAHIN DIN :
Halimbawa – July 36, 2019

Leave a Comment