TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – 5 Pang Halimbawa Ng Mga Tulang Nito

TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – 5 Pang Halimbawa Ng Mga Tulang Nito

TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – Narito ang mga mga iba pang mga halimbawa ng tula para sa ina na maari ninyong gawing regalo para sa kasintahan o mahal mo.

TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG
Image from: Community Foundation of Teton Valley

Ang mga tulang ito ay nagbibigay ng mga emosyon na kaugnay sa pag-ibig, masaya man o malungkot.

Narito ang mga tulang tungkol sa pag-ibig:

Sa Tabi ng Dagat
ni Ildefonso Santos

Marahang-marahang
Manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
Maglulunoy katang
Payapang-payapa sa tabi ng dagat;
Di na kailangang
Sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
Ang daliring garing
At sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata,
Habang maaga pa, sa isang pilapil
Na nalalatagan
Ng damong may luha ng mga bituin;
Patiyad na tayo
Ay maghahabulang simbilis ng hangin,
Nguni’t walang ingay,
Hanggang sa sumapit sa tiping buhangin.

Pagdating sa tubig,
Mapapaurong kang parang nanginigmi,
Gaganyakin kata
Sa nangaroroong mga lamang-lati:
Doon ay may tahong,
Talaba’t halaang kabigha-bighani,
Hindi kaya natin
Mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdadapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Sugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw.
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso
Ay naaagnas ding marahang-marahan…

Bagong Ako
ni Aaron Joshua Altomia

Ako’y inalipin mo sa matagal nating pinagsamahan,
Ako’y sinunggab mo ng iyong mga palihim na kataksilan.
Ngayon, paano na ako lalaban,
Na kung yung dating tayo, sayo ay wala ng dahilan?

Sa mga paglingon ko ika’y nasisilayan
Ni hindi ko nga alam kung bakit ganto pa rin ang kalagayan;
Kalagayan na matagal nang kinikimkim
Na sa bawat tiyansa para sa bagong tayo’y biglang dumidilim.

Sa iyong mga kamay ako’y nasasabik
At iyong mga imahe sana’y di na bumalik;
Bumalik sa akin ang lahat ng mga masasakit na ginawa,
Na para bang bulag na nagmamakaawa.

Sinusubukan kitang kalimutan,
At pakiusap wag mo na sana kong lapitan.
Kung magbabalik ka man sinta,
Ako’y buo na at sa isip ko’y matagal ka ng nabura.

Ito na, buo na ang aking pasya
Kung aalis ka, umalis ka na.
Hindi na kita kelangan at hubog na ako
Hinubog ng maling tao pero may bago’t mas maayos na ako.

Ang Kanyang mga Mata
ni Clodualdo del Mundo

Dalawang bituing
kumikislap-kislap
sa gitna
ng dilim. . .
Tambal ng aliw
na sasayaw-sayaw
sa tuwing ako’y
naninimdim. . .
Bukang-liwayway
ng isang pagsintang
walang maliw!

Takipsilim
ng isang pusong
di magtataksil!

Ang Magbasa Tuwing Araw At Gabi
(Morgens und abends zu lesen)
ni Bertolt Brecht

Nasabi na sa akin
Ng aking mahal na
Kailangan niya ako.

Kung kaya Inaalagaan ko ang aking sarili
Lahat ng dinaraanan, binabantayan
Sa pangambang ang bawat patak ng ulan
Ay maaaring magbunsod sa aking kamatayan

Pag-Ibig na Walang Hanggan
ni Christyn sa Steemit

Sinalubong ako ang iyong matamis na ngiti
Tila ba ako’y lumipad sa galak na nabatid
Nang hawakan mo ang aking kamay
Ligaya at saya sa aking puso ang iyong alay

Kay tagal kong hinintay ang panahong ito
Na ang ating dalawang puso ay magtagpo
Mayakap at mahagkan ang isa’t isa
Mabawasan ang ating pangungulila

Muli, tayo ay nagkwentuhan at nag-usap
Tayong dal’wa sa ilalim ng bituing kumikislap
Para ba noong una tayong nagkita
Na basang basa sa ulan, hindi tumila

Ayaw ko mang matapos ang araw na ito
Sapagkat ito’y katumbas ng saya sa puso
Hindi ko mabatid kung kailan ito mauulit
Na masdan ang mata mong marikit

Isa akong hamak na mandirigma
Sa oras at panahong di nawawala
Laging pagitan sa ating pagmamahalan
Pag-ibig na walang hanggan

1 thought on “TULA TUNGKOL SA PAG-IBIG – 5 Pang Halimbawa Ng Mga Tulang Nito”

  1. Napakaganda ang nilalaman ng isang tula. Napatalas pa ang aking kaisipan at na bigyan ako ng inspirasyon bagkus sa tulang aking nabasa.

    Reply

Leave a Comment