Mga Halimbawa ng Panghalip Pananong & Gamit Nito
PANGHALIP PANANONG – Narito ang mga halimbawa nito at ang kanya-kanyang gamit ng bawat isa.
Sa ilalim ng asignaturang Filipino, isa sa mga mahalagang itinitalakay para mas mapadali ang pag-intindi sa ibang pang mga aralin ay ang bahagi ng pananalita.
Mayroong walong(8) bahagi ng pananalita. Isa rito ay ang panghalip na siyang ginagamit panghalili sa ngalan ng tao, bagay, pangyayari, pook, at iba pang pangngalan.
Sa artikulong ito, ating tatalakayin ang isa sa mga uri ng panghalip – ang panghalip pananong.
Ang panghalip pananong ay ginagamit sa pagtatanong tungkol sa tao, hayop, pook, pangyayari, bagay, at iba pa. Narito ang mga halimbawa nito at ang kani-kanilang mga gamit.
Sino at Kanino – Ito ay ginagamit para sa tao.
- Sino ang kukuha ng ulam na binili sa palengke?
- Kanino mo ibibigay ang bulaklak na iyan?
Ano – Ito ay ginagamit para sa hayop, bagay, katangian, pangyayari, at ideya.
- Ano ang ibinigay ni Roman sa’yo bilang regalo?
- Ano ang pagdiriwang bukas?
Kailan – Ito ay ginagamit pangtanong tungkol sa petsa at panahon.
- Kailan uuwi si Oscar?
- Kailan magbibigay ng pera pambayad ng ilaw si Danilo?
Saan – Ito ay ginagamit sa pagtatanong tungkol sa lugar.
- Saan pupunta ang mag-amang Mang Terio at Felimon.
- Saan mo ipapadala ang pasalubong?
Bakit – Ito ay ginagamit sa pagtatanong tungkol sa dahilan.
- Bakit mo pinayagang umalis si Cardo?
- Bakit hindi agad nakarating ang bayad ni Pilar?
Paano -Ito ay ginagamit sa pagtatanong tungkol sa pamamaraan.
- Paano niya tinanggap ang pagkawala ng asawa niya?
- Paano lulutuin ang adobo?
Ilan – Ito ay ginagamit sa pagtatanong sa dami o bilang.
- Ilang bote ng suka ang ipinapabili ng nanay?
- Ilang bata ang sasama sa lakbay aral?
Alin – Ito ay ginagamit sa pagpapapili.
- Alin ang gusto mo, ang relo o ang sapatos?
- Alin sa kambing at baboy ang nais mo ihain sa mga bisita?
Magkano – Ito ay ginagamit sa pagtatanong tungkol sa halaga ng pera.
- Magkano ang ibinayad ni Arlinda para sa mangga?
- Magkano ang bawat bote ng toyo?